CBCP-ECCCE, teachers group nanawagan ng pakikiisa sa mga magulang

CBCP-ECCCE, teachers group nanawagan ng pakikiisa sa mga magulang

October 10, 2022 @ 5:29 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nananawagan pakikiisa sa mga magulang at legal guardians ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education at samahan ng guro.

Ayon kay San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto, vice-chairman ng CBCP-ECCCE, ang panawagan ay upang sama-samang tugunan ang kinakaharap na suliranin ng sektor ng edukasyon na dulot ng COVID-19 pandemic at bagsak na ekonomiya ng bansa.

Sinabi pa ng Obispo na tungkulin ng bawat magulang, legal guardians, nakakatanda at mga stakeholder ng education sector ang paghuhubog sa kalinangan at pag-aaral ng mga mag-aaral.

Umaasa naman si Father Ernesto De Leon, executive secretary ng CBCP-ECCCE na higit pang kilalanin ng bawat pamilya ang kahalagahan ng mga guro na bukod sa pagtuturo ay nagsisilbing ikalawang pamilya ng mga estudyante.

Habang kinikilala din ni Vladimer Quetua, chairperson ng Alliance of Concerned Teachers ang tulong ng magulang at legal guardians sa mga mag-aaral sa naunang pagpapatupad ng online, modular at distance learning.

Umaapela naman si Benjo Basas ng Teachers Dignity Coalition na palawakin pa ng mga magulang at legal guardians ang pang-unawa sa ginagawang pagtuturo ng mabuting asal at pag-disiplina ng mga guro sa mga estudyante.

Sa ika-2 ng Nobyembre, ipapatupad ng Department of Education ang 100% face to face classes sa lahat ng paaralan sa buong bansa.

Nauna namang hinimok ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, chairman ng CBCP-ECCCE Chairman ang lahat sa sektor ng edukasyon na simulan ang school Year 2022-2023 na may sigla at bagong pag-asa. Jocelyn Tabangcura-Domenden