CBCP: Kandidatong magpapatupad ng gobyernong may dignidad, iboto

CBCP: Kandidatong magpapatupad ng gobyernong may dignidad, iboto

March 27, 2022 @ 9:13 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Naniniwala ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na kinakailangan ng sambayanang Filipino ang mga pinuno na magpapatupad ng dignity-based governance.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ito ay pagkilala ng mga pinuno sa kanilang kapwa bilang mga kapatid.

Binigyan diin ni Father Secillano na bilang pinuno ay nararapat lamang na ang gagawing paglilingkod ay para sa kapakanan at kabutihan ng kaniyang kapwa.

Ipinaliwanag ng pari sa pamamagitan ng paggamit ng kapangyarihan sa tamang pamamahala upang ang bawat isa ay makinabang sa mga benepisyo sa edukasyon, trabaho at mga pangunahing pangangailangan.

Sinabi pa ng pari na ang mga pinuno ng bayan ay kinakailangang kumikilala sa karapatan at nagbibigay pagpapahalaga sa kalagayan ng mamamayan.

Patuloy namang panawagan ng CBCP sa 67 milyong botante na suriing mabuti ang mga kandidato na siyang magbibigay ng tuon sa kabutihan hindi lamang ng iilan kundi para sa lahat.

Inaanyayahan din ng Radio Veritas ang mga botante na makinig at manood sa one-on-one interview sa mga kandidato sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo at mga Senador sa Catholic E-Forum mula Lunes hanggang Biyernes ganap na alas-otso hanggang alas-diyes ng umaga.

Ang Catholic E-Forum ay bahagi ng voters education na OneGodly vote ng Archdiocese of Manila at Radio Veritas para gabayan ang mga botante sa paghalal ng karapat-dapat na pinuno ng bansa sa ika-9 ng Mayo 2022. Jocelyn Tabangcura-Domenden