CBCP pres sa Pinoy: Kinabukasan ng Pinas, ‘wag isugal

CBCP pres sa Pinoy: Kinabukasan ng Pinas, ‘wag isugal

April 6, 2022 @ 7:40 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – ‘Huwag isugal ang kinabukasan ng Pilipinas.’

Ito ang pakiusap ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president, Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mga botanteng Pilipino, kasabay ng pagpapaalala na dapat ang kanilang iboto ay ang mga kandiidatong may subok na kakayahan sa pamumuno.

Sa ginanap na “Solidarity Mass for the Moral Choice” sa Baclaran Church, sinabi ni David na hindi ngayon ang panahon para magpakampante dahil papalapit na ang Halalan 2022.

“Labanan natin ang pagsasawalang bahala, magmalasakit tayo lalo na sa kapakanan ng kapwa at bayan,” aniya sa kanyang homiliya.

“Baka meron sa atin.. ang hindi gagalaw hanggat hindi sila naapektuhan, naghihintay lamang kung ano ang kahihinatnan ng halalan. Umaasa lang sa survey, iboboto lang yung popular. Nasaan ang malasakit sa ganyang attitude?” dagdag pa ng obispo.

“Kung mananatiling mababa ang pagtingin at pagkilos natin sa pulitika hindi pagunlad ang ibubunga nito, huwag sana natin isugal ang kinabukasan ng ating bansa,” giit pa ni David.

Dagdag pa niya na hindi dapat magpalinlang sa mga nagkalat na fake news.

“Maari tayong bulagin ng kasinungalingan at panlilinlang, maari nitong patulugin ang konsensya at patigasin tayong parang mga bato.”

Hiling niya sa mga Pinoy “to always side with the truth even if it is unpopular and even if it hurts.”

“Kung minsan kasi kapag mahapdi o masakit na ang dating ng katotohanan na parang kalamansi sa sugat, parang ayaw na nating tumingin at makinig,” ani David.

“Sa ating konteksto ng ating pakikilakbay sa landas ni Kristo, huwag tayong matakot na lumakad sa apoy ng katotohanan,” aniya pa.

“Bilang mabuting Kristiyano, pananagutan natin sa Diyos ang bumoto ng tama at naayon sa konsensya. Tayo ay boboto para sa kandidatong tunay na maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan, maka-kalikasan, at maka-buhay.”

“Mag-ambag po tayo sa pamamagitan ng pagtupad ng ating tungkulin, hindi natin maitataguyod ang kinabukasan na hindi tayo kasali, huwag natin iaasa ito sa iba kailangan kabahagi tayo, baguhin natin kahit paunti-unti lamang ang kulturang pampulitika,” dagdag pa ng obispo. RNT