CBCP umaasa sa mga kabataan, maging aktibo sa simbahan

CBCP umaasa sa mga kabataan, maging aktibo sa simbahan

December 14, 2022 @ 7:21 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth na maging masigasig ang kabataan sa pagtugon sa pangangailangan ng lipunan.

Sa pagdiriwang ng National Youth Day 2022 sa Disyembre 16, naniniwala si CBCP-ECY Chairman, Daet Bishop Rex Andrew Alarcon na kinakailangan ng mga kabataan na maka-angkop sa mabilis na pagbabago ng lipunan bunsod ng iba’t ibang dahilan.

Hinimok ng Obispo ang mga kabataan sa bansa na magtulungan sa mga programa ng simbahan lalo ngayong pinaghahandaan ang World Youth Day sa Agosto 2023 na gaganapin sa Lisbon Portugal.

Tiwala ang Obispo na tulad ng temang ‘Mary arose and went with haste’ na maging handa ang bawat kabataan na tumugon sa tawag ng pagmimisyon higit na sa kasalukuyang panahong marami ang hamong kinakaharap ng simbahang katolika at ng buong pamayanan.

Tulad ng Mahal na Ina, umaasa ang Obispo na walang pag-alinlangan ang kabataang tumugon sa tawag ng paglilingkod sa iba’t ibang larangan para sa kapakinabangan ng bawat mamamayan.

Ipinagdiriwang sa Pilipinas ang National Youth Day tuwing Disyembre 16, ang unang araw ng Simbang Gabi at Misa De Gallo, ang siyam na araw ng misa nobenaryo sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria bilang paghahanda sa Pasko ng Pagsilang. Jocelyn Tabangcura-Domenden