Cease and desist order vs Yinglong sa paglabag sa environmental laws  

Cease and desist order vs Yinglong sa paglabag sa environmental laws  

October 17, 2022 @ 9:13 AM 1 month ago


Manila, Philippines-Dahil sa paglabag sa umiiral na batas  sa kalikasan, isang mining company na nag- o-operate sa Zambales ang inatasan na huminto ng operasyon ng Department of Environment and Natural Resources.

Sa pamamagitan ng ‘cease and desist’ order na pirmado ni Engr. William Cuñado, hepe ng Environmental Management Bureau,  inutusan ang Yinglong Steel Corp. na huminto sa kanilang ginagawang pagmimina.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman ng ahensya na iligal ang mining operation ng Yinglong dahil wala itong enviromental compliance certificate at iba pang DENR requirements para makapagmina.

Ang ECC at iba pang permits ay nire-require ng gobyerno para masiguro na ang isang kompanya o mining firm ay maayos na sinusunod ang environmental laws. Ang paglabag nito ay may kaukulang parusa at multa para sa mga violator.

Napag-alaman ng DENR na umabot na sa 88 ektarya ang iligal na binungkal at hinukay ng yinglong steel sa bulubunduking lugar ng Sta. Cruz at Candelaria sa lalawigan ng Zambales na nagdudulot ng pangamba sa mga environmentalist at residente malapit sa mining site.

Kung patuloy umano ang operasyon ng Yinglong, baka matulad ang Zambales sa mga probinsya na binaha at nagkaroon ng landslide dahil sa pagkasira ng kalikasan na naging dahilan ng pagkasira ng bilyong halaga ng ari-arian, kabuhayan at pagkamatay ng napakaraming Pinoy.

Ang huling lalawigan na nakaranas ng delubyo  dahil sa baha at landslide ay ang karatig na probinsya ng Bulacan kung saan limang volunteer rescue personnel ang nalunod, bukod pa sa ilan na namatay at pananim at kabuhayan na nasalanta na nagkakahalaga ng  daang milyong piso.

Ang iligal na pagmimina ng Yinglong ay  matagal nang inirereklamo ng ilang grupo ng mga environmentalist at residente ng Sta. Cruz at Candelaria dahil nasisira ang mga bukid at iba pang pangkabuhayan subali’t   bulag, pipi at bingi ang mayors at  mga elected officiaks sa lalawigan.

Hinikayat ng mga apektadong mamamayan si DNENR Sec. Maria Antonia Tulo-Loyzaga na bukod sa stop operation order ng departamento ay sampahan ang mga may-ari ng Yinglong ng kaukulang demanda, isama na ang local officials na kumukunsinti sa ginagawang illegal mining operation ng naturang kompanya.

Ilang mining firms na patuloy na nag- ooperate na responsable  sa pagkasira ng ilang bundok at gubat sa bansa, kasama ang yinglong ay pinaiimbestigahan na ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa kanyang ulat sa first 100 days ng kanyang panunungkulan,  ibinahagi ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya sa patuloy na pagkasira ng kalikasan na dahilan ng trahedya  kada taon tuwing sumasapit ang tag-ulan at tag-bagyo. RNT