CEASEFIRE SA PULITIKA TULONG SA BAYAN UNAHIN

CEASEFIRE SA PULITIKA TULONG SA BAYAN UNAHIN

October 15, 2021 @ 7:27 PM 1 month ago


NASAAN kayong mga politiko?

Pwede bang tumigil muna kayo sa bangayan at siraan at lingapin ang mga nasasalanta ng kalamidad?

Tayo’y nagtatanong at humihiling ng nararapat sa gitna ng kalamidad na naranasan ng milyong katao sa mahigit kalahati ng Luzon, partikular sa norte.

Grabe ang naganap na kalamidad na nilikha ng bagyong Maring sa norte.

Mahina naman ang hangin nito dahil hanggang signal number 2 lamang.

Subalit nagbuhos ito ng malalakas na ulan sa Luzon mula Cagayan Valley hanggang sa Cordillera Autonomous Region at Ilocos Region at ilang bahagi ng Central Luzon.

Bagama’t kakaunti ang bilang ng mga namatay, nawawala at nasugatan, daang libo ang labis na nawalan ng ikinabubuhay, nasiraan ng bahay at iba pa.

HINDI BIRO ANG KAHIRAPAN

Mahirap ang mawalan ng masisilungan para sa mga nasiraan ng mga tahanan.

Mahirap ang gutom na laman ng sikmura sa pagkawala ng mapagkukunan ng makain at malinis na tubig.

Mahirap ding magpasimula muli ng panibagong buhay sa mga nasiraan ng ikinabubuhay.

Mahirap ang magkasakit na dala ng lamig, ulan, lason at bakterya sa tubig.

Mahirap manirahan sa mahabang panahon sa mga evacuation center at makipanirahan sa mga kamag-anak na mahirap din.

Kabilang lang ang mga iyan sa mga nararanasang matindi ng mga biktima ng kalamidad.

Nakalulungkot ang ganitong kalagayan na hindi rin tiyak kung kailan muling makababangon sa normal na buhay ang marami sa mga biktima.

 

GASTOS SA PULITIKA ILAAN SA NANGANGAILANGAN

Magastos ang pamumulitika na opisyal nang nagsimula sa paghahain ng kandidatura sa Commission on Elections.

Walang sasabak sa pulitika na hindi makatatagal sa gastusan sa loob ng ilang buwan mula ngayon hanggang araw o matapos ang halalan.

Para sa mga tumatakbo sa mga pambayang position na isang partido sa mga mahihirap na bayan, umaabot sa P10M ang gastos habang sa mga malalaki at maunlad na bayan at lungsod, umaabot ang gastusan sa P50M o mahigit pa.

Para makaasa ng panalo ang isang kongresman sa distrito, kinakailangan itong gumastos ng nasa P50M habang mahigit P100 milyon sa hanay ng mga senador at bilyon naman para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Kung ibabaling lang ng mga politiko at kanilang mga partido kahit ilang tipak lang ng kanilang mga personal at pampartidong pondo, makatutulong na nang malaki sa mga kinakalamidad ngayon.

BAWAT SENTIMO, BUTIL NG BIGAS AT MAIS

Kung maghuhulog lang ang bawat Pilipino, o sabihin nating 60 milyong botante, ng kahit P1, makaiipon tayo ng 60 milyong piso.

Kung magkokontribusyon tayo ng kahit isang basong bigas o mais, makaiipon din tayo ng libo-libong kabang bigas at mais.

Kapag magamit ang maiipong salapi bilang pondo para sa pangangailangan ng mga biktima, kahit papaano magkakaroon sila gaano man kakonti ngunit may halaga pa rin sa kanila.

Ang bigas o mais ay panlaban sa gutom na pinakakailangan ng mga nawalan ng kabuhayan at mapagkukunan ng pagkain.

Kung magtatagal man lang ng kahit isang linggo o higit pa ang mga bigas at mais na maipamamahagi sa isang pamilya, maganda na itong pagsimulan para makabawi ang pamilya ng kahit kaunting lakas at pagkakataon na makapagsimula muli para bumangon sa pagkakadapa sa kalamidad.

 

MGA POLITIKO NASAAN?

Ang tiyak, kumikilos lahat ang mga lokal na opisyal at kumukuha ng pondo mula sa calamity fund pagkadeklara ng state of calamity.

Nakakaubusan mismo ang laman ng bulsa ng mga ito sa pagbuhos ng tulong sa mga biktima.

Kumikilos sina kapitan ng barangay at mga kagawad, sina mayor at mga konsehal ng bayan at lungsod at sina gobernador at mga bokal.

Pati ang mga kongresman at pambansang politiko, lalo na ang mga taga-norte.

Ang kakulangan, pupunuan ng pambansang pamahalaan.

Pero sa pangkalahatan, nasaan ang iba pang mga politiko, halimbawa sa Senado at mga nagnanais na maging Pangulo, Pangalawang Pangulo at senador?

Kung tutuusin, ang P1 kontribusyon ng bawat isa sa 60 milyong botante ay katumbas lang ng pondo ng kongresman.

Maganda kung kahit kaunting tipak ng pondo ng mga malalaking politiko ay maihatid nila sa mga nangangailangan ngayon.

 

MGA CIVIC AT SERVICE ORGANIZATION

Hindi natin namamalayan, gaano man kalimitado ang naitutulong, kumikilos na rin ang mga non-government organization, service at civic clubs sa abot ng kanilang makakaya.

Kasama sa mga kumikilos ngayon ang katulad ng Lions Clubs International.

Kahit pa inuubos ng coronavirus disease-19 ang laman ng bulsa ng mga ito, pinipilit nilang kapain pa ang kanilang mga bulsa para maihatid sa mga nangangailangan.

Ang kailangan lang ay magtulungan at magkaisa lahat.