UPDATE – Isang armadong lalaki na nagtangkang likidahin si Cebu Archbishop Jose Palma ang napatay ng rumespondeng miyembro ng Special Weapons and Tactics sa Cebu City kanina.
Ang suspek na kinilalang si Jeffrey Canedo, isang OFW ay una nang napigilan sa tangkang pagpasok nito sa Archbishop’s palace na nasa kabisera ng lungsod.
Ayon sa tagapagsalita ng Cebu City Police Office (CCPO) na si Chief Insp. Maria Teresa Macatangay, dumating ang suspek na nakasuot ng bonnet, sa labas ng gate ng compound at hinahanap ang arsobispo.
Subalit base sa mga security guard na nagbabantay ay nagmatigas ito at pilit pumasok sa loob ng palasyo ng arsobispo kayat humingi na ng tulong ang mga guwardya sa pulisya.
Aniya, gusto nitong makita at makausap si archbishop dahilan sa problema sa asawa nito na umano’y nagkaanak sa iba.
Sinabi pa sa report na ng dumating na ang mga pulis ay dito na tumakbo ang suspek papasok sa gate ng Archbishop’s Palace at tumangging tumigil nang harangin.
Agad pinaputukan ng lalaki ang mga naka porma ng SWAT team na dahilan para gumanti ang mga ito hanggang mapatay ang suspek.
Kaugnay nito sinabi naman ni Archbishop Palma na wala umano siya sa Cebu nang maganap ang insidente.
Kagagaling lamang umano niya sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) plenary assembly na ginanap nitong araw ng Lunes. (Jeff Gallos)