Cebu BRT project, tiyaking matapos sa itinakdang panahon – PBBM

Cebu BRT project, tiyaking matapos sa itinakdang panahon – PBBM

February 27, 2023 @ 1:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hangad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matapos sa itinakdang panahon ang Cebu Bus Rapid Transit Project na itinulad sa bus rapid transport system ng Seoul, South Korea at Guanzhong sa China.

Sa naging  talumpati ni Pangulong Marcos,  sinabi nitong magandang regalo ito sa mga Cebuano lalo pa’t nakatakdang simulan ito sa Disyembre at target na matapos sa 2025 base naman sa mga taga Department of Transportation (DoTr).

Kaya ang paalala ng Chief Executive sa DoTr na tiyakin na mabibigyan ng kaukulang kompensasyon ang tatamaan ng proyekto at matiyak na mabibigyan ng maayos na relokasyon ang mga ito.

Sa kabilang dako, humingi naman ng  pang-unawa ang Pangulo sa publiko dahil sa aniya’y inconvenience na idudulot ng proyekto habang sinabi nitong pansamantala lang naman ang abalang idudulot ng nasabing project na kauna-unahan sa bansa.

Sinasabing 2nd quarter ng 2025 target na matapos ang proyekto na kayang mag-accommodate ng 160,000 mga pasahero kada araw na kung saan, ito ay popondohan ng World Bank at ng French Development Agency. Kris Jose