Cebu killings sa war on drugs, paiimbestigahan ng minorya sa Senado

Cebu killings sa war on drugs, paiimbestigahan ng minorya sa Senado

October 11, 2018 @ 4:53 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nakatakdang paimbestigahan ng mga senador na kabilang sa minority bloc sa Senado ang naganap na sunod-sunod na patayan sa Cebu sa ilalim ng “one-time, big-time” (OTBT) anti-illegal drug operations ng Philippine National Police (PNP).

Sa inihaing Senate Resolution No. 915, sinabi ng minorya sa pamumuno ni Minority Leader Franklin Drilon na masyado nang nakababahala ang sunod-sunod na patayan sa Cebu na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng pulisya na nagsusulong ng all-out war on drugs ng pamahalaan.

“Masyado nang nakababahala ang alegasyon na nasa likod ng pamamaslang ay mga mismong opisyal ng pulisya,” anila.

Sinabi ng minorya sa resolusyon na maaari lamang gumamit ng puwersa ang pulisya sa mga lehitimong police operation kung kinakailangan, para sa legal na pagpapatupad ng batas, katumbas ng lawful objectives upang maiwasan ang may masira at masaktan

“As duty bearers, the PNP must observe proper operational procedures in order to fulfill the organization’s obligation with respect to human rights-based policing,” giit ng minorya.

Nitong Hulyo 18, nagpalabas ang ilang miyembro ng minority bloc sa Senado ng joint statement na nagpapahayag ng pagkabahala sa walang patumanggang pagpatay sa buong bansa partikular sa Metro Cebu na kung saan ilang pinaghihinalaang drug offenders ang inaresto at napatay nang walang due process.

Sinabi ni Cebu City Mayor Tomas Osmena na nagsimulang tumaas ang bilang ng napapatay sa lungsod matapos maitalaga sina Cebu City Police Office Director Royina Garma at Police Regional Office-7 (PRO-7) Director Debold Sinas sa kanilang tungkulin.

Sa tatlong bahagi ng OTBT operations na ipinatupad ng PRO-7, umabot sa 19 suspected drug personalities ang napatay. Sa ikatlong yugto ng operasyon lamang, umabot sa 10 drug offenders ang napatay at 76 ang inaresto.

Iginiit pa ng minorya na lubhang nakababahala ang dahilan ng pulis sa napapatay na drug personalities sa OTBT na “nanlaban” sa oras ng operasyon na lubhang gasgas na gasgas na katuwiran sa bahagi ng PNP.

“The recurring narrative of ‘nanlaban’ – or suspects having resisted arrest – has been serving as a wrongful justification for fatalities during the conduct of police operations to curtail proliferation of illegal drugs,” giit nila.

 

Noong Oktubre 2017, naghain ng minority bloc sa Senado kabilang ang 10 iba pang senador ng Senate Resolution NO. 516 na nananawagan sa pamahalaan na itigil ang walang kuwentang pagpatay sa kabataan sa ilalim ng Duterte regime.

Inihain ang naturang resolusyon matapos mapatay si Kian Loyd delos Santos, (17 anyos), Reynaldo de Guzman (14) at Carl Angelo Arnaiz (19) sa kamay ng pulisya na nagpasiklab ng galit sa publiko.

Bago ito, 45 miyembro ng United Nations ang nanawagan sa Philippine government na magsagawa ng malalim na imbestigasuyon sa  extrajudicial killings sa bansa bilang bahagi ng rekomendasyon ng delegado ng Pilipinas sa Universal Periodic Review in Geneva, Switzerland noong May 2017. Ernie Reyes