Cebu umaaray na rin sa supply ng tubig

Cebu umaaray na rin sa supply ng tubig

March 14, 2019 @ 1:28 PM 3 years ago



Cebu City  – Nakararanas na rin ng kakulangan ng supply ng tubig sa Cebu.

Ayon sa Metro Cebu Water District (MCWD), nirarasyon na nila ang tubig dahil pakaonti na rin nang pakaonti ang kanilang supply.

Dalawang pangunahing dam na rin kasi sa Cebu City ang unti-unting natutuyo dahil sa pag-iral ng El Niño sa bansa.

Ayon kay MCWD spokesperson Charmaine Rodriguez-Kara, bumaba sa 2,500 cubic meters per day ang produksiyon ng tubig sa Buhisan Dam mula sa normal nitong 6,000 cubic meters per day.

Ganito rin ang sitwasyon sa Jaclupan dam na bumaba mula sa 33,000 cubic meters na ngayon ay nasa 27,500 cubic meters kada araw na lang.

Dahil dito, inirerekomenda na ni City Disaster Risk Reduction Management operations head Wesley Santos ang deklarasayon ng “State of Preparedness” dahil sa El Niño effects.

Dagdag pa ni City agriculturist Apple Tribunalo, 70 porsiyento na ng pinagkukunan ng tubig sa mga barangay sa bundok ang natutuyo na.

Nauna nang nagdeklara ng state of calamity nitong Martes ang Zamboanga Sibugay at ang Pagadian City sa Zamboanga del Sur dahil sa epekto ng El Niño sa agrikultura.

Nagdeklara na rin ang Zamboanga City ng state of calamity noong nakaraang linggo.

Samantala, malaking bahagi rin ng Metro Manila ang nakararanas ng kakulangan ng supply ng tubig. (Remate News Team/ FILE PHOTO)