‘Celene Dion’ utas sa pick up ng ex-barangay captain

‘Celene Dion’ utas sa pick up ng ex-barangay captain

October 27, 2022 @ 1:15 PM 1 month ago


ILAGAN CITY, ISABELA- Patay ang estudyanteng kapangalan ng sikat na international singer na si Celine Dion matapos mabangga ng pick-up na minamaneho ng dating punong-barangay.

Kinilala ang biktima ay si Celene Dion Rabago, 14-anyos, estudyante at residente ng Barangay Sipay, City of Ilagan habang ang pinaghihinalaan ay si Dating Punong Barangay Alex Agor, 50-anyos, negosyante at residente ng Calamagui 2nd, City of Ilagan.

Sa pagsisiyasat kapulisan, habang binabagtas ng pick-up ang daan papasok sa lungsod at may sinusundang jeep na pumarada sa outerlane ay esksaktong nahagip ng pick-up ang tumatawid na mag-aaral.

Mag-oovertake ang minamanehong pick-up ng dating barangay captain sa gumilid na jeep at nabigla siya sa pagtawid ng biktima na kanyang nahagip.

Napag-alaman ang estudyante ay papasok sana sa paaralan nang nahagip ng pick-up at tumilapon ng ilang metro.

Samantala, ayon kay sa kapitan ng barangay na si Donato Pascua ng Sipay dito rin sa nasabing lungsod, nakita niya mismo ang pangyayari kung saan ay accident-prone area ang nasabing lugar.

Nalulungkot si Pascua dahil ang biktima ay kasama ng kanyang ina sa kanilang bahay.

Kinupkop umano ng kaniyang bayaw at ina ang mag-aaral at isa nitong kapatid mula sa lalawigan ng Benguet para matulungan silang makapag-aral kapalit ng kanilang pamamasukan sa kaniyang Ina.

Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang dating Punong Barangay.

Naipabatid na sa pamilya ni Rabago sa lalawigan ng Benguet ang nangyari sa kanya at bibiyahe ang kanyang ina patungong Isabela.

Upang hindi na maulit ang aksidente ay magtatalaga si Pascua ng mga barangay tanod sa Lugar na magtatawid sa mga estudyante.

Ayon kay dating punong-barangay Alex Agor, hindi mabilis ang takbo ng kanyang sasakyan at handa siyang tumulong sa mga gastusin ng biktima at makipag-usap sa pamilya nito. Rey Velasco