Celtics naisahan ng Heat

Celtics naisahan ng Heat

September 16, 2020 @ 9:32 AM 6 days ago

  •  
  •  
  •  

ORLANDO, Florida – Nangailangan ang Miami Heat ng overtime upang itarak ang unang panalo kontra Boston Celtics,  117-114 sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference best-of-seven final series na ginaganap sa bubble sa pasilidad ng Walt Disney sa Orlando, Florida.

Hindi naging maganda ang simula ng Heat sa laro kung saan agad silang tinambakan ng Celtics na aabot sa 13 points pero nagawang habulin ito ng Miami sa 4th quarter para madala sa overtime ang laro.

Naging makapigil hininga ang huling segundo ng laban sa OT dahil sinubok ni Jayson Tatum na itabla ang laro sa iskor  na 116-114  sa pamamagitan ng isang dunk subalit nabutataan ito Bam Adebayo habang ibinabaon nito sa ring ang bola.

Tinawagan pa ng foul si Tatum at naibuslo ni Adebayo ang isang free throw para sa panalo ng Heat.

Nanguna sa panalo ng Heat ang ikinamadamang 29 points  ni Goran Dragic at 20 points ni Jimmy Butler.

Umambag din para sa Miami sina Jae Crowder na may 22 points at Tyler Herro na kumana ng 12 na krusyal points para sa panalo ng koponan sa overtime.

Samantala, nasayang ang itinipang 30 points ni Jayson Tatum at 26 ni Marcus Smart. Rico Navarro


  •  
  •  
  •  

Loading...