CENTAURUS, MONKEYPOX AT KALAMIDAD, LABANAN

CENTAURUS, MONKEYPOX AT KALAMIDAD, LABANAN

August 4, 2022 @ 6:32 PM 3 days ago


HINDI pa natatapos nang ganap ang problema natin sa coronavirus disease-19, may pumasok na naman sa bansa, ang monkeypox na nakamamatay at nakabubulag.

Kakambal na ngayon ng monkeypox ang kapapasok ding Centaurus na isang bagong virus mula sa COVID-19 at higit na nakahahawa kaysa sa Omicron BA.4 at BA.5.

Kung ano ang ating magiging kahihinatnan sa COVID-19 pandemic sa pagsama ng Centaurus sa BA.4 at BA.5 at pakikihalo ng monkeypox sa mga ito, walang gaanong nakaaalam.

Basta ang malinaw, karanasan nang nakaoospital at nakamamatay ang COVID-19 at maging ang monkeypox.

Ang medyo maganda lang na balita rito, anoman ang uri ng COVID-19 na pumapasok sa bansa, hindi na sila kasing bagsik ng Delta at ang orihinal na virus mula sa Wuhan, China.

Ang monkeypox naman, nakamamatay at nakabubulag man, mga Bro, hindi gaano katindi ang mga kasong ito sa mga tinatamaan.

Kaya lang, dahil nakaoospital at nakamamatay ang mga ito at may mga paraan naman para kahit papaano ay mapigilan o makontra ang mga ito, dapat lang tayong kumilos lahat.

MAGPABAKUNA VS COVID-19 AT MONKEYPOX

Ayon sa awtoridad sa kalusugan sa loob at labas ng bansa, ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 at monkeypox ay napakahalagang anyo ng proteksyon ng lahat sa mga sakit na ito.

Karanasan nang humina ang paglaganap ng COVID-19 sa buong mahal kong Pinas dahil sa nakararami nang may bakunang Pinoy.

Sinasabi rin ng mga awtoridad na may bisa ang bakuna sa smallpox laban sa monkeypox.

Kaya naman, mula kay dating Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte hanggang kay ngayo’y Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang pagpapabakuna ang kanilang inihahayag na gawin ng mga mamamayan laban sa dalawang sakit.

Kasama sa pagpapabakuna ang pagtanggap ng mga booster shot laban sa COVID-19, lalo’t libre namang isinasagawa ito ng pamahalaan.

Dapat nga tayong magpabakuna at magpa-booster shot hindi lang bilang pagsunod sa kahilingan ng ating mga Pangulo kundi para mapangalagaan natin ang ating mga saril at hindi malagay sa kapahamakan gaya ng pagkakaospital at kamatayan na napakagastos pa.

TUMULONG SA MGA NAKAKALAMIDAD

Alam na ng lahat ang nangyaring lindol sa dakong hilaga ng Luzon na nagbunga ng mga kamatayan at pagkasira na napakaraming ari-arian mula sa bahay at simbahan hanggang sa mga eskwelahan at iba pang imprastraktura ng pamahalaan.

Ukol sa mga nasiraan o nagibaan nang buo ng mga tahanan, matagal, mga Bro, bago makabangon ang mga ito.

At kakambal ng pagkasirang ito ang pagkalugi ng mga negosyo, empleyo at iba pang pinagkakakitaan ng mga biktima.

Pati ang pag-aaral ng libo-libong kabataan at iba pa ay nasira o nalalagay rin sa alanganin dahil, bukod sa pagkasira ng maraming iskul, ginagawa pang evacuation center ang mga hindi naapektuhan ng lindol.

Kumakatok tayo ngayon sa puso ng bawat isa na magbigay ng tulong sa mga napinsalaan ng buhay, kalusugan, tahanan, hanapbuhay at iba pa.

Bawat sentimo, butil ng bigas, patak ng tubig, kapag naipon mula sa milyong nagmamahal at nagmamalasakit sa kapwa, magiging milyon na bisig ang mga ito para sa pagbangon ng mga biktima mula sa kahirapan, gutom at kawalan.