Centaurus subvariant posibleng nakapasok na sa Pinas – mga eksperto

Centaurus subvariant posibleng nakapasok na sa Pinas – mga eksperto

July 23, 2022 @ 4:15 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Naniniwala ang mga eksperto na posibleng nakapasok na sa Pilipinas ang BA.2.75 o Centaurus omicron subvariant.

Kasunod ito ng pagtatayang posibleng naudlot ang pag-peak ng COVID-19 cases sa Metro Manila at patuloy na dadami ang bilang ng impeksyon.

“Hindi naman typical pattern iyan eh. Usually, ‘pag pababa na siya, tuloy-tuloy na pababa eh. So, bakit siya tumaas ulit? May possibility na baka may ibang subvariant na umiikot,” pahayag ni Dr. Guido David ng independent research group na OCTA. 

Nakapagtala ang bansa ng 3,389 new nagong kaso ng COVID-19, pinakamataas mula Pebrero 12; sa mga bagong kaso, 1,169 ang mula sa Metro Manila. 

“Talagang pataas pa rin po ’yung mga cases at hindi pa po natin nakikita ’yung peak,” ayon naman kay ABS-CBN Data Analytics Team head Edson Guido. 

“Nakikita natin ngayon, tumataas na rin ang mga kaso outside Metro Manila.”

Samantala, naniniwala si David na posibleng sumirit ang mga kaso hanggang Agosto, kasabay ng muling pag-arangkada ng school year.

“Sa South Africa, more or less, mabilis lang ’yung surge. Parang one month na pataas, one month na pababa. Tapos na. Ito ’yung omicron BA.5,” sabi ni David.

“Pero parang prolonged ’yung surge nito eh. Or whatever you want to call it, wave,” dagdag niya. “It did not behave according to the patterns we were expecting.” 

Inihayag din ni Dr. Rontgene Solante ng Department of Health (DOH) technical advisory group ang parehong obserbasyon.

Habang hindi pa nakukimpirma ng mga awtoridad ang presensya ng subvariant sa pinakabong genome sequencing report, sinabi ni Solante na hindi niya inaalis ang ideya na posibleng nakapasok na sa bansa ang Centaurus.

“Actually, nag-peak na, pababa na sana, which is characteristic of the previous increase in the cases before, ’yung mga unang variants of concern. It was unlikely na talagang tataas uli,” pahayag ni Solante. 

Batay sa inisyal na ebidensya, makikita na mas nakahahawa ang Centaurus kumpara sa ibang  subvariants. Subalit, sinabi ng DOH na masyado pang maaga para sabihing mas mapanganib ito.

“Sinasabi nila this would be much transmissible compared to the other subvariants of omicron. Pero ang ebidensya para makapagsabi kung ito ay mas severe and critical ang pino-produce, hindi pa kumpleto. This is being monitored by our international epidemiologists and experts,” ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire. RNT/SA