Center for Disease Control dapat itatag dahil sa lumalaganap na mga sakit at pandemya – Salceda

Center for Disease Control dapat itatag dahil sa lumalaganap na mga sakit at pandemya – Salceda

June 18, 2022 @ 3:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng isang kilalang Kongresista na dapat maitatag agad ang ‘Center for Disease Control (CDC) ng bansa bilang paghahanda sa lumalaganap na mga sakit gaya ng pandemyang Covid-19 na mahirap kontrolin.

Ipinahayag ni House Ways and Means Community chairman, Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang kanyang panawagan bilang tugon sa babala mula sa US Center for Disease Control kaugnay sa maraming kaso ng “monkeypox” na lumilitaw sa maraming bahagi ng mundo na hindi naman nagpapakita ng karaniwang mga ‘symptoms’ o palatandaan.

Nitong nakaraang ika-9 ng Hunyo, mga 1,300 dokumentadong kaso ng ‘monkeypox’ ang naitala na sa buong mundo. Wala pang kaso nito sa Pilipinas ngunit nagpalabas na ng babala at mga gabay ang Department of Health (DOH) kung paano ito maiiwasan at mapaghahandaan.

“Malala man o hindi, tiyak na darating ang hawaan nito sa Pilipinas. Gaya ng natutunan ko nang gobernador ako ng Albay, lalapitan ka ng kalikasan kaya kailangang maihanda mo ang iyong kakayanang tugunan ito. Kailangan natin ang mga institusyon, kakayanan, kultura, pamamaraan ang mga kailangan upang harapin at tugunan ito,” ayon kay Salceda.

“May darating pang mga ‘zoonotic’ o sakit mula sa mga hayop habang nawawala ang likas nilang mga tirahan sa mundo na sinisira ng tao. Nangangahulugan ito ng higit na matinding interaksiyon sa pagitan ng mga tao at hayop kaya higit na maraming pagkakataong magkaroon ng ‘zoonosis’” paliwanag ng kongresista.

“Nang punong lalawigan ako ng Albay, isa kami sa iilang lugar sa mundo kung saan napalawak lalo ang saklaw ng kagubatan sa halip na kumitid ito. Tiyak na bahagi ito ng solusiyon sa pagpigil ng pagkalat na mga sakit mula sa hayop,” pahayag pa nito.

Ayon kay Salceda, kailangan nating matutong tugunan ang mabilis na kumakalat na mga sakit gaya ng monkeypox, COVID-19, at ang nakakahawang ‘avian flu’ o trangkasong mula sa ibon dahil lalong lilimit ang panghahawa nito habang nasisira ang likas nilang mga tahanan, nananalasa ang ‘climate change’ at laong bumibilis at lumalawak ang mga paglalakbay ng mga tao sa buong mundo.

Naipasa na ng Kamara noong Hulyo 2921 ang panukalang HB 9560 ni Salceda na lilikha ng CDC kung saan mapapasailalim ang lahat ng mga ahensiyang nakatuon sa mapanghawang mga sakit. Panukala itong pangangasiwaan ng mga ekspertong may kasanayan sa ganong mga sakit kasama na ang Covid-19.

Hiwalay ito dapat sa burukrasya ng DOH ngunit nasa ilalim pa rin ng pagsubaybay ng Health Secretary. Isinama ito ni Pangulong Duterte sa kanyang mga prayuridad noon.

Ayon kay Salceda, sana ay gawin din itong prayuridad ni Pangulong Bongbong Marcos gaya ng ginawa ni Pangulong Duterte. Napasimulan na ang talakayan nito sa Senado ngunit nilunod ng halalan.

Tiniyak ni Salceda na muli niyang ihahain sa Kamara ang kanyang CDC bill at umaasa siyang maipapasa ito agad ng Kongreso dahil tiyak na hindi rin basta mawawala ang malawakang hawaan ng lumilitaw na mga bagong sakit. RNT