‘Centers of Excellence sa sistema ng edukasyon, isusulong ni Gatchalian

‘Centers of Excellence sa sistema ng edukasyon, isusulong ni Gatchalian

October 26, 2020 @ 1:10 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagtatayo ng  mas maraming centers of excellence o sentro ng kahusayan na mag-aangat sa kalidad ng edukasyon at pagsasanay o training ng mga guro ng bansa.

Sa isang pandinig sa Senado, iniulat ng non-profit organization na Philippine Business for Education (PBED) na sa halos isang libo at anim na raang (1,572) mga Teacher Education Institutions (TEIs) ay wala pang walumpu (74) ang nahirang na ‘centers of excellence and development’.

Ayon kay Gatchalian, dapat ang gobyerno ang mismong manguna sa pagtatalaga ng mga centers of excellence para sa edukasyon ng mga guro. Ibinahagi niyang halimbawa ang Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela na hindi pa naman nagsusumite ng aplikasyon para maging ganap na center of excellence samantalang ang naturang pamantasan ay isa sa may pinakamataas na marka sa licensure examinations ng nagdaang limang taon.

Nagtapos din mula sa PLV ang ilang mga topnotchers ng Licensure Examination for Teachers o LET tulad ni  Kier Araulo Baugbog na nakakuha ng pinamakataas na marka para sa sekondarya noong Marso 2018. Nakuha naman ni Nicko Tumala ang pang-apat na pinakamataas na marka sa LET ng sekondarya noong Marso 2017. Isa naman si Christian Torres Pantoja sa mga top nine para sa LET ng elementary noong Setyembre 2015.

“Dapat magkaroon ng kusa ang ating pamahalaan sa pagtatalaga at pagtataguyod sa mga centers of excellence at hikayatin ang mga pinakamahusay na mga guro na maging bahagi nito,” pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ayon pa kay Gatchalian, mahalaga ang papel dito ng Teacher Education Council o TEC, lalo na’t mandato nito ang magtalaga ng mga centers of excellence. Nabuo ang TEC noong 1994 sa ilalim ng Republic Act No. 7784 upang magsulong ng mga polisiyang mag-aangat sa kalidad ng teacher education sa bansa.

Layon ng isang center of excellence na magkaroon ng mga masusing pag-aaral at pananaliksik upang mapahusay ang mga programa para sa edukasyon ng mga guro, mula sa kanilang pag-aaral sa kolehiyo hanggang sa mismong pagtungtong nila sa kanilang propesyon.

Kamakailan ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1887 upang magsulong ng mga reporma sa TEC at siguruhing ang edukasyon ng mga guro ay angkop sa pangangailangan ng Department of Education o DepEd.

Binigyang diin ng mambabatas na napapanahong suriin ang kalidad ng edukasyon ng mga guro kasunod na rin ng mababang passing rate ng mga kumuha ng LET nitong mga nagdaang taon. Sabi ni Gatchalian, ito marahil ang isang malaking dahilan kung bakit hindi maganda ang naging resulta ng 2018 Programmme for International Student Assessment o PISA. Sinuri nito ang performance ng mga mag-aaral at sa halos walumpung (79) bansa, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading Comprehension at pangalawang pinakamababa sa Science at Mathematics.

Samantala, simula 2014 hanggang 2019, ang average passing rate naman para sa licensure examination ng mga guro sa elementary ay wala pang tatlumpung (28) porsyento at wala pang apatnapung (36) porsiyento sa secondary level. Ernie Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...