Central agency pinalilikha ni Poe sa pagsugpo ng fake websites

Central agency pinalilikha ni Poe sa pagsugpo ng fake websites

November 23, 2022 @ 12:51 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Panahon na upang lumikha ng central agency ang gobyerno upang sugpuin at habulin ang gumagawa at administrador ng fake website, ayon kay Senador Grace Poe.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na kumpara sa umiiral na sistema, halos lahat ng security agency kabilang ang Department of Information and Communication Technology (DICT) ay may sari-sariling anti-cyber crime units kaya nagkakaroon ng duplikasyon sa tungkulin.

Aniya, kaya napapanahon ang paglikha ng central agency na tututok sa cybercrime na lubhang ikinaalaarma ng kasamahan sa paglaganap ng websites na nanloloko ng mamamayan tulad ng pagbabayad kapalit ng electronic registration o arrival cards.

“The e-arrival card is a relatively new document being required, at mayroon na agad mga fake website,” ayon kay Poe sa ginanap na plenary session nitong Martes, Nobyembre 22.

Tinukoy ni Poe ang magkakatulad ng tungkulin ng ilang ahensiya ng pamahalaan na tumututok sa cybercrimes.

Aniya , bukod sa mayroon ang National Bureau of Investigation ng Cybercrime Division, meron din ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), na nabigyan ng P274.73-million budget sa taong kasalukuyan.

Meron din ang Philippine National Police ng Anti-Cybercrime Group na may tungkulin na sugpuin ang lahat ICT-aided crimes.

“That’s why it’s confusing, there’s no central government office that you can lodge a complaint to on particular cases like this,” himutok ni Poe.

Sinabi ni Poe na nauna nitong pingngunahan ang pagdinig sa katulad na isyu na may layunin na magbuo ng central complaint desk laban sa fake websites at bank frauds.

Aniya: “The central government body could easily direct concerned agencies to act on the complaints based on their jurisdictions, since these fraudulent companies receive payments through credit card transactions.”

“Definitely, there has to be a government agency to direct those banks and credit card companies not to accept or authorize transactions from those fraudulent companies. Maybe that’s an angle we can look at,” giit ni Poe. Ernie Reyes