Central bank digital currency sa Pinas, ‘di pa napapanahon – Diokno

Central bank digital currency sa Pinas, ‘di pa napapanahon – Diokno

October 3, 2022 @ 2:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi pa kailangan at hindi pa napapanahon ayon kay Department of Finance at dating Bangko Sentral ng Pilipinas governor Benjamin Diokno ang pagbubuo ng central bank digital currency (CBDC) sa bansa.

Ito ay makaraan lumabas sa pag-aaral ng BSP na kailangan munang tutukan ang pagpapabuti ng digital payment systems bago ang naturang sistema.

“‘Yun po ang resulta ng study na hindi pa at this time. It will not be worthwhile… This is not the right time to go into the CBDC,” ani Diokno kasabay ng pagdinig sa Senado ngayong Lunes, Oktubre 3.

Napansin rin umano niya ang iba’t ibang mga digital currencies sa mundo na bumagsak lang dahil sa hindi stable ang uri nito.

“Kung aabot tayo sa punto ng CBDC, hindi na tayo mag-iimprenta ng pera, ‘yun ho ang ibig sabihin nun, so that’s still on the background. Meron po tayong tinatawag na PESONet and InstaPay, we will perfect that first,” paliwanag niya.

Matatandaan na noong 2018 ay naglunsad ang BSP ng InstaPay, isang electronic fund transfer payment system na magbibigay ng kakayanan makapaglipat ng pera sa iba’t ibang bangko ang isang indibidwal agad-agad o real time.

Maliban dito, mayroon na rin na anim na digital banks sa bansa upang magpalakas ng digital transactions sa bansa. RNT/JGC