CESSNA BA ‘YAN? AY NAKU!

CESSNA BA ‘YAN? AY NAKU!

February 27, 2023 @ 10:57 AM 3 weeks ago


DALAWANG eroplanong Cessna ang missing o bumagsak sa ating bansa kamakailan.
Biglang nawala ang Cessna C206 o RPC 1174 simula noong Enero 24 dakong alas-2:00 sa pagitan ng Cauayan Airport, Isabela at Maconacon Airport.

Anim ang sakay nito na si pilot Captain Eleazar Mark Joven at mga pasaherong sina Tommy Manday, Val Kamatoy, Mark Eiron Siguerra, Xam Siguerra at Josefa Perla España.

Hinahanap pa rin ang eroplano sa parteng Sierra Madre.

Ito namang Cessna RPC340, bumagsak malapit sa bunganga ng Mayon Volcano nitong Pebrero 18 makaraang lumipad mula sa Bicol International Airport patungong Ninoy Aquino Interntional Airport sa pagitan ng alas-6:00 at alas-7:00 ng umaga.

Nakuha na kamakalawa ang bangkay ng mga sakay nito na sina pilot Capt. Rufino James Crisostomo Jr., aircraft mechanic Joel Martin at Simon Chipperfield at Karthi Santhanam na parehong inhinyerong Australiano.

Tulad ng nauna, wala pa ring nakaaalam kung bakit missing o bumagsak ang mga eroplanong ito na parehong gawang Cessna.

Napapaisip tuloy tayo kung sumakay tayo sa isang eroplanong tatak Cessna.

At kung nasa paliparan tayo, mapipilitan tayong magtanong ng “Cessna ba ‘yan?”

Eh mahirap nang ma-missing at hindi ka madaling matagpuan.

O Kaya’y ma-shoot sa kumukulo at umuusok na bulkan o kahit lang sa tagiliran nito na maaaring matabunan ng lahar.

Ano nga ba ang nangyayari sa Cessna planes na ‘yan?

Baka matatanda na ang mga eroplanong ‘yan o pinalilipad nang alanganin ang kondisyon.

Ang dapat sa mga ‘yan, kung matatanda na o alanganin na ang kondisyon, tiyakin na maya’t maya ang tsekap para sa palit-piyesa o matinding pag-aayos.

O, baka naman may diperensya ang piloto dahil sa alak o puyat?

Silipin dapat ang panahon na malaki ang epekto sa eroplano kung nasa ilalim ng malakas na ulan at bumabangga sa mga ulap.