Cessna plane rescuers pinarangalan!

Cessna plane rescuers pinarangalan!

March 7, 2023 @ 12:10 PM 3 weeks ago


LEGAZPI CITY – BINIGYAN ng pagkilala ni Camalig town Mayor Carlos Irwin Baldo Jr., incident commander ng Cessna 340 operations, nitong Lunes ang limang residente na boluntaryong tumutulong sa paghahanap sa bumagsak na eroplano sa sa Mt. Mayon noong Peb. 18, 2023 at sila rin mismo ang kumuha ng bangkay ng apat na pasahero.

Sa ginanap na flag-raising ceremony sa Nuyda Park, iniharap ni Baldo sina Jose Obal, Orly Nantes, Marjames Mariñas, Roger Villanueva, at Gerry Nodalo , lahat residente ng Barangay Anoling para bigyan ng pagkilala.

Bukod rito, bibigyan rin ng trabaho ang lima sa nasabing munisipalidad.

“Habang sinubukan ng mga opisyal na tumugon na marating ang crash site sa 5 araw ng operasyon ng Cessna, nagboluntaryo silang tumulong sa kabila ng nakaambang panganib,” ani Baldo.

Sinabi pa ng alkalde walang anumang suplay ng pagkain at tubig at naka-tsinelas lamang at may dalang bakal na baras o “kabilya” upang makatulong sa pagpapanatili ng kanilang balanse habang naglalakad sa matarik at masungit na lupain ng Mt. Mayon, nagsimula ang “Magnificent 5” sa kanilang pag-akyat bandang 6: 30 a.m. at nakarating sa crash site bandang 11:30 a.m.

Dahil dito, isang resolusyon ang inaprubahan noong Pebrero 27 ng Sangguniang Bayan (SB) ng Camalig bilang pagkilala sa 5 at iba pang mga indibidwal at ahensya kasunod ng tagumpay ng 13-araw na intensive Cessna 340A search, rescue and retrieval operations.

Kabilang sa mga binigyan ng pagkilala ay ang Albay Climbing Community (ACC), Mayon Mountaineers, Federation of Bicol Mountaineers Inc., Mountaineering Federation of the Philippines, Inc., at ang Wilderness Search and Rescue (WISAR), local guides, Naval Special Operations Group (NAVSOG), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Army, Energy Development Corporation (EDC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Air Force (PAF), Philippine Navy , at iba pang mga boluntaryo, pinasasalamatan din ang pribado at pampublikong mga ahensya./Mary Anne Sapico