Cha-cha ‘di nakadepende sa endorsement ng Pangulo – Padilla

Cha-cha ‘di nakadepende sa endorsement ng Pangulo – Padilla

February 22, 2023 @ 1:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi nakadepende sa pag-endorso ng Pangulo ang pag-amyenda sa 1987 Constitution, ayon kay Senador Robin Padilla na siyang isa sa mga nagsusulong ng Charter change sa Senado.

Kasabay ng Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Pebrero 22, sinabi ni Padilla na siya ring umuupo sa Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, na hindi naipasa ang Charter change sa nagdaang Kongreso sa kabila ng suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Doon po natin makikita na hindi po ito nakasalalay sa pangulo. Ito po ay nakasalalay sa amin, sa mataas at mababang kapulungan,” aniya.

Matatandaan na nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi prayoridad ng kanyang administrasyon ang pag-amyenda sa kasalukuyang Konstitusyon.

Ani Padilla, naniniwala siya kay Marcos na hindi dapat pumagitna ang Pangulo sa diskusyon ng Charter change dahil hindi ito bahagi ng kanyang mandato.

“Sa Konstitusyon, ang magde-desisyon po dito ay legislation at taongbayan sa pamamagitan ng plebesito. Wala po siyang papel,” sinabi pa ni Padilla.

Iginiit din niya na ang isinusulong lamang nito ay ang pagbabago sa economic provisions ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass) at sinigurong hindi kasama sa aamyendahan ang usaping politikal.

“Ako po ay mag-iingay kapag ang usapan po dito ay napunta na sa pulitika. Maniwala po kayo sa akin. Hindi po ako kapit-tuko sa posisyon na ito. Araw-araw po na ginawa ng Diyos, wala po akong gustong gawin kundi mag-resign,” giit ng senador. RNT/JGC