Cha-Cha, hindi pinatalakay sa mga Cong nang wala ang mga Senador

Cha-Cha, hindi pinatalakay sa mga Cong nang wala ang mga Senador

August 7, 2018 @ 3:54 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Binawalan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na talakayin ng House Committee on Constitutional Amendments ang nilalaman ng Federalism charter na isinumite ng Constitutional Commission.

Sa kaniyang pag-uusap, sinabi ni SGMA kay Leyte Rep. Vicente Veloso, chairman ng komite na huwag munang talakayin ang substance ng Charter Change hangga’t hindi pa nagko-convene ang dalawang kapulungan para sa isang Constituent Assembly.

Itinuturing ni SGMA na pagsasayang ng panahon o “waste of time” o ang pagtalakay sa nilalaman ng Federal charter nang wala ang Senado dahil sa huli ay kailangang mag-convene muna at bumuo ng mga rules para sa Con-Ass.

“No committee hearings on the substance. We leave that for the [Con-Ass],” ayon kay speaker Arroyo.

Sa pasimula ay nagsagawa na ng briefing ang komite kung saan pinagtuunan ng pansin ang pamamaraan kung paano mahihikayat ang Senado na mag-convene kasama ang Kamara bilang Con-Ass.

Dumalo sa briefing sina ConCom member at dating Senate President Nene Pimentel kasama si ConCom Spokesperson Conrado Generoso kung saan iprinisenta lamang nila ang nilalaman ng Federal charter.

Kasabay nito ay inihain na rin ni SGMA ang House Resolution 2056 na ipapalit sa concurrent resolution na naipasa na sa 17th Congress ukol sa pagko-convene ng dalawang Kamara ng Kongreso sa Constitutional Assembly ngunit malinaw na isinama dito ang mga salitang “voting separately.”

Sa interview, sinabi ni Speaker GMA na walang kasiguraduhan kung kelan ang ConAss “we don’t know. It takes two to tango.” (Meliza Maluntag)