Cha-cha malabo kung hindi mgkakasundo sa botohan – Marcoleta

Cha-cha malabo kung hindi mgkakasundo sa botohan – Marcoleta

January 14, 2021 @ 7:29 PM 5 days ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Malabong umusad ang economics chacha kung ipipilit ng mga senador na dapat ay “voting separately” ang magiging botohan sa binabalak na pag-amienda sa konstitusyon.

Paliwanag ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta na malinaw naman aniya sa probisyon ng batas na nililinaw ng mga sumulat ng 1987 Constitution kung kailangan ang sabay na pagboto ng mga kongresista at senador o magkahiwalay.

“Kapag sinasabi naman na hiwalay o magkakasama ay kitang-kita naman na hindi legislation ang pinag-uusapan katulad ng pag-amienda sa saligang batas kung ang gagamitin ay constituent assembly na hindi nagli-legislate ang mga mambabatas kungdi nagpapanukala ng mga dapat na pagbabago sa saligang batas,” ayon kay Marcoleta.

Giit pa ng kongresista na kapag hindi napapayag ang Senado sa magkasamang pagboto ay imposibleng sumulong ang charter change na ipinapanukala ni House Speaker Lord Allan Velasco.

“Pero kung hindi sila (Senado) pumayag ay wala ring mangyayari dito. Pero maaring mangyari o magtagumpay ito kung ang senado ay pumayag na ang modality o paraan ng pagboto ay joint voting na lang, kasi doon magkakatagalan.  Doon magkakaroon ng problema lalong lalo na kung hindi rin naman makukuha ang 3/4.  Doon maiipit,” paliwanag ni Marcoleta.

Kapag nailatag na aniya ang mga panukalang pagbabago ay saka ito ilalatag o ihahain sa taumbayan para sa ratipikasyon na kabilang sa plano ay sa pamamagitan ng plebisito kasabay ng halalan sa Mayo 2022.

Dagdag pa nito, kung ang Kongreso ay mag-convene bilang ConAss ay ikinukunsidera ang mga miyembro nito bilang magkakasama o ‘component elements’ at hindi na sila kabilang sa magkahiwalay na bicameral assembly.

“Batay sa mga naunang pagdedesisyon ng Korte Suprema, kapag kami ay gaganap bilang ng tungkulin sa isang constituent assembly hindi na kami itinuturing na congressman o senador.  Ang tawag sa amin ay component elements of a constituent assembly,” dagdag pang paliwanag nito.

Nilinaw rin ni Marcoleta na hindi siya tutol sa pagbabago ng kunstitusyon dahil kapag maisulong aniya ang economics chacha ay tiyak na dadami o magbubukas ang pinto para sa pagpasok ng mga investors sa bansa.

Payo pa ni Marcoleta kay Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments na makabubuting kausapin muna nito ang counterpart sa Senado upang magkalinawan na bago pa man isalang ang chacha.

“Para kung hindi kayanin ay huwag naman nating sayangin ang panahon natin.”

Ganito rin ang argumento ni Albay Rep. Edcel Lagman kung kaya’t magsusumite siya ng position paper na tumutukoy sa November 1967 na Supreme Court ruling na Gonzales vs. Comelec kung saan nakasaad na ang mga senador at mga kongresista na nagsusulong ng amyenda sa Konstitusyon ay hindi miyembro ng Kongreso kundi umaaktong constituent members ng assembly kaya joint voting at hindi hiwalay ang paraan ng pagboto. (Meliza Maluntag)


  •  
  •  
  •  

Loading...