Cha-Cha – raratsadahin ng Kamara sa loob ng 2 buwan

Cha-Cha – raratsadahin ng Kamara sa loob ng 2 buwan

August 5, 2018 @ 1:52 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Raratsadahin na ng House Committee on Constitutional Amendments ang deliberasyon para sa charter change.

Kinumpirma ni Leyte Rep. Vicente Veloso, chairman ng komite na meron ng consultative meeting ang kaniyang grupo sa Puno committee.

Dito ay inisyal aniyang tatalakayin ang framework ng Presidential Federal form of government.

“This is on Tuesday (August 7). Then may instruction ang speaker natin na baguhin yong joint resolution, yong Concurrent Resolution na pinasa last time,” ani Veloso.

Ang binabanggit na Concurrent Resolution ay ang ukol sa pagko-convene ng Senado at ng Malaking Kapulungan bilang Constituent Assembly.

Ito ay upang idagdag ang “voting separately” na salita na pinagdudahan ng marami subalit paglilinaw ng kongresista mananatiling con-ass.

Ito ay dahil masyadong matagal at magastos ang Constitutional Convention o con-con at masyado namang aniyang hati-hati kung ang gagawin ay ang people’s initiative.

Kapag nailagay na aniya ang “voting separately” ay mawawala na sa Senado ang alinlangan para lumahok sa constituent assembly at at ang isyu ng no-election.

“Actually, misnomer yon. Hindi naman talaga tatanggalin kundi ire-reset lang. Ire-reschedule. And this happened during the barangay elections sa 2016, it was moved to 2017, 2017 it was moved to 2018. So kung nangyari yon sa barangay elections bakit hindi pwede sa napakaimportanteng bagay, itong revised constitution.”

Tiniyak din ni Veloso na sapat ang panahon ng Kongreso para tapusin ang cha-cha at isabay ang plebisito sa 2019 elections.

“Tapos na yong draft resolution ng House of Representatives. And then, we just gave way to the Puno committee na binuo ng presidente. Then nagbigay sila ng kanilang draft ng revised constitution. To me, in two months tapos ito. Kasi gusto ko pa din na by the time we’ll be filing our certificates of candidacy, tapos na kami.” (Meliza Maluntag)