Chad Booc, hindi simpleng guro kundi NPA – AFP

Chad Booc, hindi simpleng guro kundi NPA – AFP

February 28, 2022 @ 4:27 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ng militar na hindi simpleng guro para sa indigenous peoples ang napatay na si Chad Booc.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, napatay si Booc sa isang engkwentro sa pagitan ng mga sundalong kasapi ng 10th Infantry Division at New People’s Army na ikinamatay rin ng apat niyang kasamahan na sina Jojarain Alce Nguho II alias Rain, isang alias Daday at dalawang iba pa sa New Bataan, Davao de Oro nitong nakaraang Huwebes.

Ayon pa sa AFP, isang kadreng rebelde si Booc na isinangkot sa kasong human trafficking ng indigenous peoples sa Cebu at kabilang siya sa Bakwit 7 ngunit pinawalan sila ng korte.

Kasama rin umano ito sa Manilalakbayan na inorganisa ng Communit Party of the Philippines-New People’s Army-National Demoratic Front noong 2015.

Pagkatapos itong grumadweyt sa University of the Philippines-Diliman bilang cum laude, naging tuloy-tuloy umano ang aktibismo nito hanggang sa maging guro ito sa Alternative Learning Center for Agricultural Development (ALCADEV) sa Lianga, Surigao del Sur na eskwelang pangkatutubo ngunit ginagamit umano ng mga komunistang grupo sa kanilang mga indoktrinasyon sa komunismo at pagiging rebelde laban sa pamahalaan.

Ginawa ng AFP ang ganitong pahayag sa harap ng pagkondena ng mga militante sa pagkakapatay nina Looc dahil kuwestiyonable ito.

Hinihiling ng mga militante ang umano’y imbestigasyon dito ng mga human rights group sa paniniwalang ganap na binalewala ng mga sundalo ang karapatang pantao nina Booc. RNT