Chairman, sugatan sa pamamaril sa General Santos City

Chairman, sugatan sa pamamaril sa General Santos City

July 19, 2018 @ 8:05 AM 4 years ago


 

General Santos City – Sugatan ang isang Barangay Chairman matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilang suspek sa General Santos City, kagabi (July 18).

Kinilala ang biktima na si Jonalyn Sumagka, punong barangay ng Baluntay, bayan ng Alabel, Sarangani Province.

Ayon sa kuwento ng nakakita sa krimen, hindi pa raw nakabababa ng sasakyan si Sumagka nang pagbabarilin ito suspek sa may tindahan ng balut sa Barangay Baluan.

Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang narinig ng testigo.

Matapos isagawa ang pamamaril, agad na sumakay ng motorsiklo na naka-standby malapit sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang mga suspek.

Agad na isinugod sa ospital ang biktima at dito napag-alamang nagtamo ito ng tama ng bala ng baril sa kaliwang tagiliran.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis sa naturang insidente. (Remate News Team)