Chairwoman inambush sa Mindanao

Chairwoman inambush sa Mindanao

June 22, 2022 @ 9:34 AM 1 week ago


AMPATUAN – Sugatan ang driver ng barangay chairwoman habang nakaligtas naman ang huli na target ng pananambang at pamamaril ng mga hindi pa kilalang suspek Martes sa lalawigan ng Maguindanao.

Nagtamo ng sugat sa katawan si Saudi Zacaria Dimaliba, driver ni barangay chairwoman Zoraida Mamaluba, ng Barangay Kamasi, Ampatuan.

Ayon kay Lt. Reynaldo Samson, hepe ng Ampatuan Police Station, hapon ng Lunes naganap ang pamamaril ilang metro ang layo sa bahay ni Mamaluba sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Dimaliba ang Mitsubishi Montero sakay barangay utility worker na si Dolce Montery Mambantawan.

Bigla na lamang silang tinambangan ng mga armadong suspek at pinagbabaril ang sasakyan saka mabilis na nagsitakas.

Nawalan ng kontrol sa manibela si Dimaliba at bumangga sa poste ang sasakyan.

Agad naman dinala sa ospital ang driver at nilapatan ng lunas ang tinamong sugat habang ligtas naman si Mambantawan.

Hinala ng pulisya posibleng target si Mamaluba sa pamamaril at inaalam na rin kung may kinalaman sa mga kasong idinulog sa barangay ang motibo sa pananambang./Mary Anne Sapico