Charcoal painting ng Pinoy artist na may pirma ni Jordan, pumapalo na ng P40M!

Charcoal painting ng Pinoy artist na may pirma ni Jordan, pumapalo na ng P40M!

February 9, 2022 @ 7:32 PM 8 months ago


Manila, Philippines – ‘Pag panahon mo nang anihin ang lahat ng pagsusumikap na ipinunla mo para sa isang pangarap, walang makakapigil sa pag-aani mo.

‘Yan ang napaka-inspiring lesson na natutunan ng charcoal artist na si Christian Talampas na ang pinakamalaking pangarap ay pansinin ni Michael Jordan ang charcoal sketch-painting n’ya na nagbabasketbol ang magiting na manlalaro.

Seventy-two days n’yang ginawa ang sketch-painting na pangarap n’yang maipakita man lang sa itinuturing na “greatest basketball player of all time” na iniidolo n’ya mula pa noong kabataan n’ya.

Suntok sa buwan na nag-post siya sa Instagram at sa TikTok n’ya ng video na may hawak siyang posters ng panawagan n’ya sa kung sino mang pwedeng makatulong sa kanya na ipakita kay Michael ang painting n’ya na batay sa isang sikat na litrato ng former NBA player.

Ang litrato ay tinituluhan na “The Last Shot” at kuha nu’ng 1998 ng NBA photographer na si Fernando Medina. Kinilala ang “The Last Shot” bilang  number 1 sa  Sports Illustrated’s 100 Greatest Sports Photos of All Time.

Bukod sa pagpo-post sa Instagram at Tiktok, ipinadala rin n’ya ang video n’ya sa mga nasaliksik n’yang mga tao na malapit kay Michael para mailapit sa basketbolista ang pakay n’ya. Isa sa mga ‘yon ang sumagot sa kanya pero para magtanong lang kung nagbebenta siya ng kopya ng painting n’ya.

Ang tao na yon ay  American OG collector na si Bryan Apodaca. Nu’ng panahong iyon ay wala ‘yon sa isip ni Christian at ang hangad lang n’ya ay makapagpadala ng print copy ng painting n’ya kay Michael. Sumagot si Bryan na pwede niyang tulungan si Christian na matupad ‘yon.

Nu’ng una ay ayaw maniwala ni Christian na may koneksyon si Bryan sa isang tao na malapit kay Michael, pero ipinakita nito sa kanya ang screen grab ng pakikipag-usap nito kay Mike Smith, ang designer ng Nike rubber shoes na malapit na kaibigan ni Michael na siyang pangunahing endorser ng nasabing brand ng sapatos.

To cut a long story short, nakarating kay Michael ang isang print ng painting ni Christian, pinirmahan ni Michael ang kopya, at kinunan ni Bryan ang manlalaro ng litrato na pinipirmahan ang print ng painting. Nakarating kay Christian ang kopya na may pirma ng dakilang basketbolista.

Samantala, ayon sa Secret Fresh gallery owner na si Bigboy Cheng, pwedeng ibenta ni Christian ang kopya ng print na may pirma ni Michael sa pinakamababang presyong P40 milyon. Sinabi ito ni Cheng sa isang interbyu sa GMA News kamakailan.

Bihirang-bihira nang mag-autograph si Michael ng kahit na personal na lumang gamit n’ya dahil alam n’yang pwedeng pagkitaan ‘yon nang milyon-milyon basta’t mapatunayang pirma nga n’ya iyon. Sa mga lehitimong auction ibinebenta ang anumang bagay na may orihinal na pirma ni Michael.

Pero ‘di raw ibebenta ni Christian ang kopya n’yang may orihinal na pirma ni Michael. Pahayag n’ya sa isang interview sa kanya ng broadcaster na si Julius Babao para sa vlog nito: “Ang gift na ibinigay sa akin ni Michael Jordan is ‘yung confidence.”

Payo n’ya sa mga tao na may matatayog na pangarap na parang napakalayong matupad: “Huwag kayong titigil na maniwala sa sarili.  Kahit feeling n’yo wala nang naniniwala, i-push nyo basta alam nyong positive ang kalalabasan at wala kayong tatapakan na tao.”

Samantala, nagbebenta na ngayon si Christian ng kopya ng print ng painting n’ya na may pirma ni Michael, pahiwatig n’ya sa Instagram n’ya na @_cortart.  Nasa Instagram n’ya ang sinyal ng kanyang TikTok.

Maraming quotes si Christian from Michael Jordan na matatagpuan sa Instagram ng ngayon ay sikat na sikat ng charcoal artist na 29 years old pa lang (pero may asawa at apat na anak na siya).

Ang isa sa paborito ni Christian na quote from Michael ay: “I can accept failure but I can’t accept not trying.” At ang desperadong pagta-try n’ya ang dahilan kaya nakarating kay Michael Jordan ang charcoal painting n’ya. Danny Vibas