Charter ng CHED, babaguhin ng Senado

Charter ng CHED, babaguhin ng Senado

January 26, 2022 @ 5:30 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Inihain ni Sen. Joel Villanueva, chair ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, ang panukalang “Revised Higher Education Act of 2022”, o Senate Bill No. 2492, sa ilalim ng Committee Report No. 509, para pagtibayin ang Commission on HIgher Education (CHED) sa pamamagitan ng repormang institusyonal.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Villanueva na pinapalakas ng revised charter ang komisyon para maging handa sa kinabukasan ng edukasyon, at masiguro ang pagkakaroon ng

“Well-prepared, well-equipped, and flexible graduates and lifelong learners.”

Mula ng itatago ito ng Kongreso noong 1994 bilang bahagi ng repormang pang-edukasyon, umunlad at nabigyan ang CHED ng karagdagang mandato at katungkulan.

Ayon kay Villanueva, kasama sa bagong CHED charter ang mga mandato na ibinigay sa Komisyon sa loob ng halos tatlong dekada.

Nililinaw ng nirebisang charter ang mga katungkulan ng Komisyon, at nagtatatag ng mga provincial office upang maghatid ng serbisyo sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Sa ilalim ng bagong charter, gagawa ang CHED ng roadmap para sa mataas na edukasyon ng bansa, at susuriin ito kada sampung taon para masigurado ang pag-unlad ng kalidad ng mga graduate sa bansa.

Ilalahad naman ng mga technical panel ng Komisyon ang direksyon para sa mga disiplina at karera o degree programs ng bansa.

Kabilang sa mga Technical Panel ng CHED ang mga kinatawan ng industriya, maging sa pampubliko at pribadong institusyon ng mataas na edukasyon.

Isinusulong din nirebisang CHED charter ang mas aktibong koordinasyon sa Department of Education (DepEd) at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para magkaroon ng kaisahan sa polisiya, plano, at programa ng kabuuang sektor ng edukasyon.

“Matitiyak natin ang progresibo at magkatugmang pag-unlad ng buong sistema ng edukasyon kung may maigting na koordinasyon ang bawat education subsector.”

Bilang dating TESDA Director General, panawagan ni Villanueva na magkaroon ng “collaborative governance regime” sa pagitan ng tatlong ahensya.

“Hindi po dapat pinagwawatak-watak ng tinatawag nating  ‘trifocalized education’ ang hurisdiksyon sa pagitan ng DepEd, CHED, and TESDA.

Dapat masalamin sa bawat antas ng pag-aaral ang pambansang polisiya sa edukasyon, mula elementary hanggang college, postgraduate, pati na technical-vocational courses,” sabi ni Villanueva.

Ginagarantiya rin ng nirebisang CHED Charter ang religious freedom sa mga higher education institution para sa mga estudyante, faculty, at mga miyembro ng academic community. Ernie Reyes