Chavez susunod na Press secretary?

Chavez susunod na Press secretary?

October 5, 2022 @ 10:35 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Transportation Undersecretary Cesar Chavez nitong Miyerkoles na “nalaman” niya na na kabilang siya sa ikinokonsiderang susunod na press secretary kasunod ng pagbibitiw ni Trixie Cruz-Angeles.

“I was already told a few days ago, I’m being considered,” ani Chavez sa mga mamamahayag sa Palasyo, pero hindi naman niya pinangalanan ang nag-abiso sa kanya nito.

“Mas mabuting huwag ko munang sabihin kung sino ang nagsabi sa akin but authorized person,” aniya pa.

Sa kabilang nito, sinabi ni Chavez na “binanggit ko na ang concentration ko ay rail sector. Sinabi ko na hindi ako interesado sa press office ng Malacañang,” aniya nang tanungin kung kinokonsidera niya ba ang nasabing posisyon.

Si Chavez ay kasalukuyang Undersecretary for Railways ng Department of Transportation.

“Kasama ko sa Marcos administration. Ako ay isang presidential appointee. Binanggit ko ay bigyan ako ng pagkakataon na i-process ang alok na ito and at the same time if there’s a chance, discuss ano ang puwedeng gawin,” kambyo naman nito.

“Nagulat ako na talagang kasama ako sa listahan. Mas marami pa [na mas] qualified sa posisyon na ‘yan. Wala akong naipahayag na interes sa posisyon na ‘yon,” ani Chavez.

Sa kabilang banda, sinabi rin niya na sina Mike Toledo at Gilbert Remulla ay isinasaalang-alang para sa puwesto.

Si Toledo ay nagsilbing tagapagsalita ni dating Pangulong Joseph Estrada. Siya ang pinuno ng government relations and public affairs department ng Metro Pacific Investments Corporation.

Si Remulla naman ay miyembro ng board of directors ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Noong Martes, inihayag ng Malacañang ang pagbibitiw ni Cruz-Angeles bilang press secretary.

Sa isang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni Cruz-Angeles na bumaba siya sa kanyang puwesto dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan. RNT