Checkpoint tinangkang takasan, tricycle driver arestado sa P120K marijuana

Checkpoint tinangkang takasan, tricycle driver arestado sa P120K marijuana

February 23, 2021 @ 3:39 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Shoot sa kulungan ang isang tricycle driver matapos makuhanan ng nasa P120,000 halaga ng marijuana makaraang tangkaing takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police chief Col. Samuel Mina, Jr. ang naarestong suspek na si Roberto Roque Jr., 27, ng 40 Masaya St. RP Gulod Novaliches, Quezon City habang pinaghahanap pa ang hindi kilalang kasama niya.

Ayon kay Col. Mina, dakong 11:15 ng gabi, nagsasagawa ng checkpoint sa Phase 9, Langit Road corner Lacson Road, Bagong Silang ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 12, kasama ang NPD-DMFB nang parahin ang dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo.

Sa halip na sumunod sa mga pulis, hindi pinansin ng mga suspek ang checkpoint at pinasibad ang motorsiklo na naging dahilan upang mahulog ang kanilang eco bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Nagawang maaresto ng mga pulis si Roque na nagmamaneho ng motorsiklo habang nakatakas naman sa hindi matukoy na direksyon ang kasama niya.

Nakumpiska ng mga pulis sa suspek ang isang block na nasa 1,000 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon fruiting top ng marijuana na tinatayang nasa P120,000 ang halaga.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez


  •  
  •  
  •