CHED problemado sa tapyas na pondo

CHED problemado sa tapyas na pondo

August 10, 2018 @ 3:06 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Lubhang  maapektuhan ang  mga programa ng  Commission on Higher Education (CHED) sa pagbabawas sa kanilang pondo matapos na gawing cash-based ang budget system ng mga ahensiya at kagawaran ng pamahalaan.

Sinabi ni CHED Officer-in-Charge Prospero de Vera III na partikular  na maaapektuhan dito ang pagpapatupad ng free higher education law sapagkat hindi naman aniya aligned ang fiscal year ng pamahalaan, na nagsisimula tuwing Enero hanggang Disyembre, at academic year ng mga paaralan, na nagsisimula naman tuwing Hunyo o Agosto at magtatapos pagsapit ng Oktubre o Disyembre, habang ang second semester naman ay kadalasang nagsisimula tuwing Nobyembre o Enero hanggang Marso o Mayo.

“We will be severely hampered in implementing RA (Republic Act) 10931, first in estimating reimbursements, second in determining which reimbursements will be given, and third in utilizing the budget allocated by Congress,” ani De Vera.

Ani De Vera na magiging problema para sa kanila ang cash-based budget system lalo na sa pag-estimate ng mga reimbursement para sa 112 state universities and colleges (SUCs) at 78 local universities and colleges (LUCs) na sakop ng Universal Access to Quality and Tertiary Education Act sapagkat hindi naman daw nag-o-operate ang mga paaralan na ito sa fiscal calendar.

Ang mga reimbursements aniya ay dependent sa bilang ng mga estudyanteng naka-enroll sa higher education institutions (HEIs) at billings na isusumite ng mga SUCs at LUCs sa CHED kada semister.

“The problem for the regular universities is how do we compute the reimbursement? Do we compute it only until December to end the fiscal year or can we give the whole money all the way until April when the students graduate?” ayon kay  De Vera.

Sinabi naman nina House Appropriations Committee chairman Karlo Alexei Nograles at Zamboanga City Rep. Celso Lobregat, malaking epekto ng hakbang na ito ng CHED sa mga mag-aaral na umaasa sa programa ng pamahalaan.

Kailangan aniya na malinaw ang usapin na ito dahil kung titingnan ay napakasensitibong usapin umano ito.

Napag-alaman na sa ilalim ng cash-based budget system, kailangan ng mga government agencies na gamitin ang alokasyon para sa kanila sa loob ng isang taon.

Tungkulin din ang mga ahensya na tapusin ang kanilang mga proyekto sa loob ng 2019 anuman ang hamon o balakid para rito, halimbawa na lamang ng mga kalamidad na maaring magdulot ng delays.

Kung hindi matitiyak ng ahensya ng pamahalaan ang completion ng proyekto sa loob ng isang taon, tatanggalin ito sa kanilang proposed budget. (Kris Jose)