Chief Justice Gesmundo, tutol sa pagbuwag sa JBC

Chief Justice Gesmundo, tutol sa pagbuwag sa JBC

December 11, 2022 @ 12:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tutol si Supreme Court Chief Justice Alexander G. Gesmundo sa isinusulong ng ilang personalidad na buwagin na ang Judicial and Bar Council (JBC).

Sa kanyang talumpati sa 35th founding anniversary ng JBC, sinabi ni Gesmundo na siya ring nagsisilbing Ex-Officio Chairperson ng JBC, bagaman hindi perpekto ang sistema, sinisikap ng JBC maghanap ng mga magagaling at kwalipikado sa judicial posts at hindi maisama sa listahan ng nominado ang mga hindi karapat-dapat, pangkaraniwan at walang karapatan.

“But while our system may not be perfect, we have the JBC to
thank not only for having the best qualified appointed to judicial posts but also in keeping the ineligible, undeserving, and mediocre from even being
considered for appointment,” ani Gesmundo.

Ang komposisyon aniya ng JBC na kumakatawan sa buong pamahalaan at sa stakeholders ng judicial system, ang responsable sa kalidad ng mga nominado na inirerekomenda sa Pangulo.

Dahil sa JBC ang mga apektadong sektor gaya ng mga retiradong Justices, IBP, law academe, at pribadong sektor ay nabigyan ng boses sa appointment process dahil sa pagiging miyembro nito.

Magugunita na iminungkahi ni beteranong abogado na si Estelito Mendoza na buwagin na ang JBC at ipasa na lamang sa Commission on Appointments (CA) ang kapangyarihan ng pagtatalaga sa hudikatura.

Maging si Senador Aquilino Pimentel Jr. ay nais buwagin na ang JBC para umano matiyak na ang pagtatalaga sa mga Justices at Judges ay batay sa merito at hindi sa koneksyon ng nominado sa mga mainpluwensyang politiko. Teresa Tavares