Child abuse sa 3 paslit, slander sa ama isinampa vs Khonghun

Child abuse sa 3 paslit, slander sa ama isinampa vs Khonghun

May 7, 2022 @ 9:30 PM 3 weeks ago


SUBIC, Zambales- Dumaranas ngayon ng trauma at labis na pagkatakot ang tatlong paslit makaraang pagsisigawan sa kanilang harapan ang kanilang ama ni Zambales Vice-Governor Jay Khonghun at pagbantaang ipakukulong ito kamakailan.

Bunsod nito, at sa takot na rin para sa sariling kaligtasan, nagsampa ang ama ng kasong paglabag sa Section 359 ng Revised Penal Code at Section 10(a) ng Republic Act 7610,na may kinalaman sa paninirang puri (slander), at iba pang uri ng pang-abuso, kalupitan at at iba pang karahasan laban sa bata, ayon sa pagkakasunod.

Sa sinumpaang “reklamo salaysay” ni Francisco Mas Jr., ng Barangay Aningway-Sacatihan, Subic, Zambales, inireklamo nito si Zambales Vice Governor Khonghun, na kumakandidato rin sa pagkakongresman sa unang distrito ng lalawigan.

Batay sa salaysay, noong umaga ng Abril 25, 2022, ay nagmamadaling umalis ng bahay si Mas sakay ng kanyang motorsiklo upang pumasok sa kanyang trabaho sa munisipyo ng Subic bilang maintenance  personnel. Makaraan siya ay nagtungo sa Subic Gym.

Napag-alaman umano niya na nasa naturang gym si Vice Gov. Khonghun at kapulong ang buong partido ng Khonghun Team.

Nang matapos ang pulong ay lumabas ng gym ang opisyal at napansin umano nito ang isang political sticker na nakadikit sa kanyang motorsiklo.

Iyon din umano ang unang pagkakataon na nakita ni Mas ang sticker.

Ipinatawag umano ni Khonghun si Mas at nang makalapit  ay agad itong dinuro ng opisyal at may panggigigil na pinagsisigawan  ng, “Ipakukulong kita! Namumulitika kayong mag-asawa. Sumasama kayo sa pa-meeting ni Maningding (tumatakbong mayor sa Subic).”

Sa pagpapatuloy ng ngitngit at pagsisigaw ng opisyal, tinangka pa rin umano ni Mas na ipaliwanag na walang katotohanan ang mga paratang nito, kasabay ang paghingi ng tawad.

Binaggit din nito ang tungkol sa kanyang maliliit na anak.

Ngunit tanging malakas na, “Wala akong pakialam sa mga anak mo!” ang isinagot ni Khonghun saka ito umalis. At noon lamang umano niya napansin ang mga umiiyak na anak at bakas ang takot sa mga mukha nito.

Sinabi pa ni Mas na mula nang maganap ang insidente, hindi na umano ito nakapasok sa trabaho dahil sa banta na ipakukulong ito ni vice governor Jay Khonghun.

Samantalang ang mga anak naman ay labis pa rin ang  takot at ayaw nang lumabas ng bahay, hindi makatulog at hindi makakain ng tama. RNT