Child-friendly precincts, barangay kinilala ng Makati LGU

Child-friendly precincts, barangay kinilala ng Makati LGU

December 9, 2022 @ 12:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinilala ng lokal na pamahalaan ng Makati ang 10 barangay at tatlong presinto ng pulisya sa isinagawang 2022 Search for the Most Child-Friendly Barangay and PCPs.

Kasabay nito ay nakatanggap ng cash prizes ang mga nagwagi.

“Congratulations to all the barangays and PCPs who were vetted as most child-friendly this year. Because of your hard work and dedication, Makati continues to be a safe place for children. We are truly grateful to have you as our trustworthy partners in building safe communities for young Makatizens to thrive and achieve their full potential,” ani Mayor Abby Binay sa pahayag nitong Huwebes, Disyembre 8.

Ayon sa alkalde, ang mga nanalong barangay at police substations ay binigyan ng cash prizes at seal batay sa kani-kanilang ratings.

Ang mga barangay na nabigyan ng five star ratings ay nakatanggap ng tig-P500,000 samantala P250,000 naman ang natanggap ng nakakuha ng four-star rating.

P100,000 naman ang nakuha ng three star rating.

Ang mga barangay ng San Isidro at Bel-air ang nakakuha ng five star rating, Barangay Southside, East Rembo at Pio del Pilar ang nakakuha ng four star samantala three star rating naman ang nakuha ng mga barangay Poblacion, San Lorenzo, Pembo, West Rembo, at Guadalupe Viejo.

Nabigyan din ng P350,000 na cash prize ang police substation ng Guadalupe sa pagkakaroon nito ng five star rating, P200,000 na cash prize sa PCP ng Palanan sa pagkakaroon ng four star rating habang P150,000 ang ibinigay sa PCP ng Bangkal sa three star rating.

Ang mga natanggap na cash prizes ay gagamitin lamang para sa mga programa at proyekto para sa mga bata. RNT/JGC