CHINA, PAWISAN NA SA TAKOT SA GALAWAN NG PINAS

CHINA, PAWISAN NA SA TAKOT SA GALAWAN NG PINAS

March 16, 2023 @ 10:41 AM 2 weeks ago


SA kalagitnaan ng isang maaliwalas na Linggo sa Maynila, naglabas ng pahayag ang embahada ng China na sumira sa kalmadong sitwasyon. Ipinarating nito ang pagtutol ng China sa joint maritime patrols na pinaplano ng Pilipinas at ng Amerika sa West Philippine Sea.

Tinawag din ng embahada ang lumalawak na panghihimasok ni Uncle Sam sa mga base militar sa Northern Luzon, ang mga pagbabago para sa seguridad ng ating mga karagatan at pagtugon sa mga kalamidad bilang bahagi ng pagpupursige ng Washington “na palibutan at kornerin ang Beijing” gamit ang alyansang militar nito sa Pilipinas.

Para maging patas at tama, hindi lang sa Amerika pinagbubuti ng Pilipinas ang pakikipagtulungan nito sa larangan ng seguridad at depensa. Sa katunayan, nakikipag-usap na ang Maynila para sa pagtutulungan at seguridad na pandagat sa mga hangganan ng South China Sea sa Australia, Japan, Indonesia, Singapore, Vietnam, at iba pa.

Hindi naman masisisi ang Pilipinas. Tinanggihan ng China ang pasya noong 2016 ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, binalewala ang ligal na basehan ng Pilipinas sa inaangkin nitong teritoryo. Wala na halos mapagpipilian pa ang munting kapuluan upang igiit ang karapatan nito.

Kasabay nito, dinaan ng China sa panggigipit ang pagpapalawak ng presensiyang militar sa South China Sea, ginawa pang base militar ang mga artipisyal na islang itinayo nito sa loob ng West Philippine Sea at nagpuwesto ng agresibong militia patrols upang itaboy ang mga Pilipinong mangingisda at barko mula sa sarili nating exclusive economic zone.

Kaya para manginig ngayon sa takot ang China at pagmukhaing kinakawawang biktima ang kanilang sarili… nakow, kahit umiyak pa kayo nang balde-balde!

Asam ang suporta ng Thailand

Sa unang bahagi ng linggong ito sa Inter-Parliamentary Union sa Manama, nakipagpulong ang delegasyon ng Kamara, sa pangunguna ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, sa mga kapwa nila kongresista sa Thailand upang himukin ang suporta nito sa Pilipinas sa harap ng panggigipit na ginagawa ng China sa West Philippine Sea.

Bagama’t pinapanatili nito ang malapit na ugnayan sa Pilipinas at China, wala pa ring pinapanigan ang Thailand sa usapin ng agawan sa teritoryo. Mauunawaang kinikilala nito ang Maynila bilang isang malapit na kaalyado sa ASEAN pero nangungunang trading partner ($80 billion noong 2019) naman nito ang China.

Gayunman, may pag-asa pa rin tayo sa suporta ng Thailand dahil tulad ng Pilipinas, pinahahalagahan din nito ang alyansa sa Amerika at batid din ang halata namang debt trap sa maraming proyektong pinopondohan ng China, bukod pa sa impluwensiyang pang-ekonomiya na nakakonekta sa Beijing.

Think tanks o mga traydor?

Dito sa Pilipinas, nariyan pa rin ang mga traydor na nagmamanipula ng mga balita pabor sa kapakanan ng China habang sinisigurong ipagduduldulan iyon sa kaisipan ng mga Pilipino gamit ang popular na social media.

Buti na lang at hindi na natin presidente ang pangunahing nagpapakalat ng maling ideya na kaibigan natin ang China at wala tayong magagawa upang igiit ang ating karapatan sa soberanya sa ating mga isla dahil masyadong makapangyarihan ang militar ng Beijing.

Pero may mga natira na nagpapanggap na “international think tanks,” nagpapakalat ng mga maling impormasyon sa publiko at gumagamit ng mga troll upang maging kapani-paniwala ang kanilang mga kasinungalingan at pinangangambahan.

Tinatawag nila ang kanilang mga sarili na propesor, legal experts, political strategists, at lehitimong mamamahayag, eh alam naman ng marami sa atin na binabayaran lang sila upang itaguyod ang kapakanan ng Beijing.

Para kina “George of the Jungle” at “Austin Powers,” hindi magtatagal at matitibag nang mga tunay na nagmamahal sa bansang ito ang Little House of Horrors na itinatago ninyo sa likod ng mga mafia-style beauty at wine shops sa Makati City.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.