China rocket debris narekober ng PCG sa Subic

China rocket debris narekober ng PCG sa Subic

December 19, 2022 @ 10:06 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakarekober ng debris ang Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Subic, Zambales na pinaniniwalaang bahagi ng Long March rocket na ni-launch ng China noong Oktubre.

Ayon sa PCG, kabilang sa materyales  na narekober nitong Sabado, Dec.17 ay ang metal at plastic debris na may sukat na 2 metro ang haba at apat na metro ang lapad na nakitang palutang-lutang sa katubigan sa may 55 nautical miles  kanluran ng Subic, Zambales.

Ito ay hinihinalang bahagi ng rocket na ni-launch mula sa  Wenchang Space Launch Center noong October 31,na nagdadala ng research laboratory module sa Tiangong Space Station ng China.

Ayon sa PCG, nag-post ang Philippine Space Agency ng public advisory sa araw ng paglulunsad, na nag-aalerto sa publiko para sa posibleng pagbagsak ng mga debris sa loob ng dalawang drop zone.

Ang pagkakatuklas ng debris na kulay puti at hugis cylinder ay iniulat ng Filipino boat captain na si David Gervacio.

Sinabi ng PCG na nanatili itong alerto at handang tumulong sa pagtukoy at pagbawi ng mga bagay sa dagat upang matiyak ang kaligtasan ng mga sasakyang pandagat at mga Pilipinong mangingisdang dumadaan sa tubig sa loob ng hurisdiksyon ng karagatan ng Pilipinas.

Matatandaan na isang malaking metal debris din ang natagpuan aa baybayin ng Calintaan at Mambyrao, Occidental Mindoro noong Agosto at Nobyembre matapos bumagsak ang bahagi ng booster stage mula sa Long March 5B rocket ng China sa timog-silangan ng Puerto Princesa, Palawan.

Sinabi ng Chinese foreign ministry na kinuha ng coast guard nito ang nasabing debris pagkatapos ng “friendly consultation” sa panig ng Pilipinas, ngunit naghain ang Pilipinas ng diplomatic protest kaugnay sa isyu. Jocelyn Tabangcura-Domenden