China sumasabotahe sa kapayapaan sa West Philippine Sea – DFA

China sumasabotahe sa kapayapaan sa West Philippine Sea – DFA

February 17, 2023 @ 4:35 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – TILA sinasabotahe ng China ang kapayapaan at seguridad sa West Philippine Sea matapos tutukan ng laser ng Chinese Coast Guard (CCG) ang tropa ng gobyerno sa Ayungin Shoal kamakailan.

Kaya ang panawagan ni DFA spokesperson Teresita Daza sa Beijing ay umiwas na sa ganitong mga uri ng pagkilos lalo pa’t nagpahayag na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng “serious concern” hinggil sa laser-pointing incident.

“No less than the President has called attention [and expressed] serious concern about the increasing frequency and intensity of actions that are happening in West Philippine Sea, kaya nga po [that is why] we are calling on China to desist and restrain from this action kasi hindi lang ho ito [because it is not only] damaging, dangerous… it is also destabilizing in terms of stability and peace in the region,” ayon kay Daza.

Nauna rito, naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China kaugnay sa insidente ng paggamit ng Chinese Coast Guard vessel ng military-grade laser kabilang ang mapanganib na pag-maniobra nito habang isinasagawa ang resupply mission para sa tropa ng Pilipinas na naka-istasyon sa may Ayungin Shoal.

Sa inihaing protest ng DFA sa Chinese Embassy sa Manila ngayong araw, February 14, kinondena nito ang harassment, mapanganib na pag-maniobra, pagtutok ng military-grade laser at illegal radio challenge ng Chinese Cost Guard vessel 5205 laban sa Philippine Coast Guard vessel na BRP Malapascua na nangyari noong Pebrero 6 ng kasalukuyang taon.

Ayon pa sa DFA, ang naging aksiyon ng Chinese Coast Guard laban sa Philippine vessel ay banta sa soberanya at seguridad ng ating bansa bilang isang estado at panghihimasok sa sovereign rights at hurisdiksiyon sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Sa kabilang dako, muli namang iginiit ni Daza na wala siyang nakikitang dahilan para pagdudahan ang naging pahayag ng PCG sa nasabing insidente.

Ang report aniya ng PCG ay beripikado.

“We received a report and the report has to be verified and there are actually other additional reports coming from the National Task Force on West Philippine Sea, and based on that there is an assessment, a verification and assessment, and based on that, a necessary diplomatic action is taken,” ayon kay Daza.

Sinabi ni Daza na suportado ng DFA ang report ng PCG.

May ilang bansa kabilang na ang Estados Unidos, Japan, at Australia, ang nagpahayag ng kanilang “serious concerns” sa nangyaring laser-pointing incident at nanawagan na bigyan ng pansin ang kapayapaan sa rehiyon.

Ayon kay Daza, may kabuuang 9 na diplomatic protests ang naihain na ng DFA laban sa China ngayong taon.

Taong 2022, may 195 protesta ang naisampa.

“Under the administration of our President, there’s about 76 that have already been issued,” ang wika ni Daza.

“Through diplomatic action, we were able to say that this should not continue, this is violative of international law.” dagdag na pahayag nito.

At nang tanungn kung sumasagot naman ang China sa mga inihaing protesta, ang sagot ni Daza ay minsan ay sumasagot ang China sa partikular na insidente at kung minsan naman ay nagbibigay lamang ito ng “omnibus response.” RNT