Chinese community nagpasaklolo sa Kamara sa kaso ng kidnapping

Chinese community nagpasaklolo sa Kamara sa kaso ng kidnapping

September 7, 2022 @ 10:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Humingi na ng saklolo sa House of Representatives Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry (PCCI) kaugnay sa mga kaso ng kidnapping sa bansa na umabot na sa 56 sa nakalipas lamang na 10 araw.

Matapos makipagpulong sa ilang opisyal ng Kamara ay humarap sa isang press conference ang PCCI, sinabi ng pangulo nito na si Lugene Ang na lubha nang nakaaalarma ang kidnapping incident kung saan sobrang takot na ang nararamdaman ng Filipino-Chinese community.

Ani Ang, ang mga biktima ng kidnapping ay hindi lamang puro mga Chinese kundi mga Filipino Chinese habang ang ilan ay purong Filipino at may mga bata din.

Sinabi ni Ang na may mga pamilya ng nakidnap ang hindi rin agad na nagre-report sa kapulisan dahil sa takot sa kanilang kaligtasan kaya umaasa ang kanilang hanay na magkaroon ng mas aktibong papel at agarang pagkilos ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga kidnapping groups.

Umapela si Ang sa mga mambabatas na wala dapat piyansa sa mga suspek ng kidnapping.

Sa panig ni PNP Deputy Chief for Administration Jose Chiquito Malayo sinabi nito na batay sa kanilang record ay 4 lamang ang naitala nilang kaso ng kidnapping, isa dito ay POGO-related incident.

Ani Malayo sa mga hawak nilang kaso ng kidnapping ay karaniwan ay mga dayuhan at kalimitan ay mga Chinese din.

Sa ngayon ay mas pinalakas na ng PNP ang koordinasyon nito sa Chinese community partikular sa Binondo kung saan mas pinaigting na ang kanilang isinasagawang 24 oras na police visibility. Gail Mendoza