Chinese crew ng distressed vessel sa Samar, nagpasaklolo kay PBBM, gusto na umuwi

Chinese crew ng distressed vessel sa Samar, nagpasaklolo kay PBBM, gusto na umuwi

March 10, 2023 @ 6:51 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpasaklolo na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pitong Chinese crew members ng nabalahaw na fishing vessel sa dagat na sakop ng Suluan Island, Guiuan.

Hiling nila sa Pangulo, payagan na silang makauwi sa kani-kanilang mga tirahan.

Ayon kay Cherry Song, na ang asawa nito ay pinsan ng may-ari ng naturang barko, lubhang nag-aalala na ang mga pamilya ng mga tripulante at naghihintay na sa pag-uwi ng mga ito.

“They are appealing to our President and our other government officials for them to leave and return to China. It has been two months since their boat was towed,” ani Song.

Matatandaan na noong Enero 26 ay hinatak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang FV Da 899, pagmamay-ari ng Binhai County Fifth Shipping Company makaraang matagpuang nagpapalutang-lutang sa dagat na sakop ng Suluan Island.

Ang naturang vessel ay patungo sana sa Guangdong mula sa Fujian, China.

Kinilala ang mga crew members na sina Chen Zhe Nei, He Cheng Sun, Tong Yat Sun, Lei Deng Zai, Mak Pak Lam, Liu Jian Ping, at Shi Nun Yu.

Si Nei at Sun ang nagsisilbing kapitan at chief engineer ng barko.

Maliban kina Sun at Lam na mula sa Hong Kong, ang iba ay mula naman sa
Guangdong, China.

Ani Song, ininspeksyon na ng PCG, Philippine Drug Enforcement Agency, at National Bureau of Investigation ang barko at wala namang natagpuang illegal ang mga ito kaya’t nagtataka sila kung bakit hindi pa sila pinapayagang makauwi ng China.

“They (seven crew members of a Chinese vessel) just happened to make a distress call. They were in a maritime peril, that was why the vessel was towed to the Tacloban port for humanitarian reasons,” sinabi pa ni Song.

“We have offered to fix the damage to the vessel, but they (Philippine authorities) ignored us. If indeed they are sincere in helping these Chinese nationals, and for humanitarian grounds and as the ship did not contain anything illegal, they should allow them to leave and return to China,” dagdag niya.

Dahil dito ay ibinahagi niya na nakipag-ugnayan na siya sa Presidential Complaint Center noong Pebrero 3.

“We have yet to receive a response from that office,” ani Song.

Nauna nang sinabi ng PCG na papayagan lamang nilang makaalis ang naturang vessel kapag cleared na itong makaalis.

Sa Vessel Safety Enforcement Inspection kasi, sinabi ng PCG sa Tacloban na mayroong 25 “deficiencies” ang barko at kulang ng dokumento para payagan na itong makalayag pauwi.

Palyadong makapagpakita ang barko ng mga sumusunod: Certificate of Voyage Registry; Certificate of Ownership; Cargo Ship Safety Construction Certificate; ship station license; shipboard oil pollution emergency plan; Certificate of Stability; Tonnage Measurement Certificate; magnetic compass; ship logbook, at oil record book. RNT/JGC