Chinese envoy rumesbak sa US: Kayo ang iresponsable

Chinese envoy rumesbak sa US: Kayo ang iresponsable

August 7, 2022 @ 4:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Niresbakan ng Chinese ambassador sa Pilipinas ngayong Linggo ang pagpuna ng United States sa live-fire military exercises ng China na isinagawa sa paligid ng Taiwan kasunod ng pagbisita ni U.S. House Speaker Nancy Pelosi sa self-governing island.

Giit ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, ang Estados Unidos ang naging “iresponsable” sa pamamagitan ng pagpayag kay Pelosi na bumisita sa Taiwan sa kabila ng One China Policy.

“The Chinese government has every right to do whatever is necessary and justified to resolutely uphold our sovereignty and territorial integrity. China has acted in legitimate self-defense only after the US made this egregious provocation,” anang top Chinese envoy.

Ginawa ni Huang ang pahayag matapos akusahan ng US state secretary  Antony Blinken noong Sabado na ang Tsina na gumawa ng mga “iresponsableng” aksyon at inilipat ang mga prayoridad nito mula sa mapayapang resolusyon at tungo sa paggamit ng dahas.

Pagkatapos ay binanggit ni Huang na ang U.S. ang dapat kumuha ng buong responsibilidad dahil ilang beses nang binalaan ng China ang Washington tungkol sa “malubhang kalikasan at matinding pinsala” ng pagbisita ni Pelosi.

“China’s countermeasures are completely just, legitimate and proportionate. Our countermeasures are necessary as a warning to the provocateurs and as legitimate steps to uphold our sovereignty and security,” ani Huang.

“They are also about staunchly safeguarding regional peace and stability and international law and basic norms governing international relations,” dagdag pa niya.

Inakusahan din niya ang U.S. ng higit pang pag-destabilize sa rehiyon sa gitna ng pandemya ng COVID-19, na tinawag na “farce” ang pagbisita ni Pelosi.

Sinabi ni Huang na kung talagang seryoso ang U.S. sa mga plano nitong bawasan ang tensyon, dapat nitong “tuparin ang pangako nito sa usapin ng Taiwan sa paggalang sa soberanya at integridad ng teritoryo ng China, itigil ang pakikialam sa mga panloob na gawain ng China at ihinto ang pakikipagsabwatan at pagsuporta ‘Taiwan independence’ separatist forces.” RNT