Chinese mafia bumuo ng Pinoy scammers sa Myanmar; Pharmally kasabwat-Risa

Chinese mafia bumuo ng Pinoy scammers sa Myanmar; Pharmally kasabwat-Risa

November 22, 2022 @ 9:06 AM 5 days ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Risa Hontiveros na bumuo ng isang Filipino scammers team ang Chinese mafia sa Myanmar na pinahihirapan ang mga recruit na manggagawang Filipino kapag hindi nasusunod ang utos ng lider.

Ibinulgar ito ni Hontiveros matapos mailigtas ang 12 Filipino na nagtatrabaho sa abroad mula sa human trafficking na nakabase sa China at may malawakang operasyon sa Myanmar.

Malaki ang hinala ni Hontiveros na kasangkot dito ang Pharmally Pharmaceutica Corporation na sangkot sa pagbili ng bilyong halaga ng overpriced na face shield at face mask noong kasagsagan ng pandemya.

Aniya, palaging kinakalap ng mga Filipino dahil mahusay silang magsalita ng English.

“Ang pinakamalalang naibahagi sa atin ng isa sa mga na-rescue, at warning na rin ito sa ating mga ahensya at sa ating mga kababayan dito sa Pilipinas: May namumuong masamang plano ang Chinese mafia na ito na gawing all-Filipino team ang mga scammer nila sa Myanmar at iba pang lugar dahil sa ating English proficiency,” aniya sa plenaryo nitong Lunes.

“This is why I stand before you today because this is of extreme importance and urgency,” aniya pa sa kanyang privileged speech.

Sa puntong ito, idinawit ni Hontiveros ang Pharmally na maaaring kasabwat ng mafia, naunang inimbestigahan ito ng Senado sa pagsusuplay sa gobyerno ng overpriced medical supplies noong panahon ng pandemya.

“Lastly, in a disturbing development, we also found out that the exact area where they were, Shwe Kokko Special Economic Zone or Yatai New City, owned by Yatai International Holdings Group – a hub described as a ‘safe haven for online gambling and fraud operators’ – may possibly have a connection to the Pharmally players,” giit ni Hontiveros.

“A company named Yatai International Corporation is associated with Linconn Ong (direktor ng Pharmally). Pareho lang kaya ang Yatai International Corporation and Yatai International Holdings Group? Para kaya itong ‘yung Pharmally International Holdings, Pharmally Biological company at Pharmally Pharmaceutical company?” tanong niya.

Samantala, sinabi ni Hontiveros na inaresto noong nakaraang buwan ang may-ari ng Yatai International Holdings Group na si She Zhijang sa Thailand may maraming commercial interest sa Pilipinas.

“These links must be brought to light and further investigated,” aniya.

Binalaan din ni Hontiveros ang publiko na wag magpapadala sa kahina-hinalang komunikasyon mula sa di kilalang sender na nag-aalok ng trabaho sa abroad sa pamamagitan ng internet.

Ayon kay Hontiveros:”Human trafficking victims are subjected to “sexual and romantic relationships” online in an effort to convince their clients to invest and prevent physical harm.”

“Hindi biro ang mga nakukuhang text ng mga OFWs kapag hindi sila nakakakuha ng kliyente,” giit niya.

“Bukod sa overtime, pinagbabantaan silang pagagawin ng 1,000 squats, pagbubuhatin ng balde-baldeng tubig, hahatawin ng electric baton, babatuhin, at sasaksakin hanggang mamatay,” ani Hontiveros.

Dahil dito, nanawagan si Hontiveros sa Department of Justice at Inter-Agency Council Against Trafficking na imbestigahan ang impormasyon na ito saka hinikayat ang Department of Migrant Workers (DMW) na maglunsad ng national information drive laban scam job offers online.

Hiniling din ng senador sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration, at Department of Social Welfare and Development na tulungan ang biktima ng human trafficking. Ernie Reyes