Chinese national, kinuyog, pinagsasaksak ng 10 katao

Chinese national, kinuyog, pinagsasaksak ng 10 katao

February 24, 2023 @ 12:21 PM 4 weeks ago


MANDAUE, Cebu-NAGPAPAGALING ngayon sa ospital ang isang Chinese national matapos kuyugin ng 10 hindi pa kilalang kalalakihan na pinaniniwalaan kapwa Chinese isang parking lot kahapon ng hapon sa lungsod na ito.

Nagtamo ng mga saksak sa katawan at bukol ang biktima na kinilalang si Ma Yichen, 34, Chinese national, at nakatira sa Barangay Maribago, Lapu-Lapu City.

Tinutugis naman ng pulisya ang mga suspek na mabilis tumakas matapos ang insidente.

Batay sa report ng Mandaue Police Station 2, dakong 1:30 PM nang maganap ang insidente sa parking lot ng isang tea house na matatagpuan sa Barangay Tipolo, Mandaue North Reclamation Area ng naturang lungsod.

Ayon kay Police Major Romeo Caacoy, hepe ng Mandaue Police Station 2, humingi ng tulong sa kanilang tanggapan ang misis ng biktima hinggil sa ginawang pag-atake ng mga suspek sa kanyang mister.

Kwento ng misis, kalalabas lamang nilang sa isang tea house at nagtungo sa parking lot ng bigla na lamang sugurin ang kanyang asawa ng mga suspek na armado ng matalim na bagay.

Dito, pinagsasaksak sa iba’t ibang parte ng katawan si Yichen at hindi pa nakuntento ang mga suspek ay kumuha pa ang mga ito ng bato at inihagis sa biktima.

Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang suspek habang agad naman dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas ang mga tinamo nitong sugat.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa pananakit sa biktima at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran ikadarakip sa mga ito./Mary Anne Sapico