Chinese national na nagpresenta ng PH passport, tiklo sa BI

Chinese national na nagpresenta ng PH passport, tiklo sa BI

March 13, 2023 @ 8:15 AM 3 weeks ago


CATICLAN, Aklan- Naharang ng Bureau of Immigration (BI) officers sa Boracay Island gateway Godofredo P. Ramos Airport (Caticlan) sa Malay, Aklan ang isang lalaking Chinese national na nagtangkang magtungo sa Taiwan gamit ang Philippine passport.

Sa news release nitong Linggo, sinabi ng BI na iprinisenta ni Zhou Jintao, 24, ang kanyang sarili sa BI officers gamit ang passport sa ilalim ng pangalang Janssen Gonzales Tan.

Bukod sa kanyang passport, nagpakita rin siya ng Philippine person with disability, postal at tax identification number identification cards, National Bureau of Investigation clearance, at birth certificate kung saan nakasaad na isinilang siya sa Sibulan, Santa Cruz, Davao Del Sur na may inang Pilipina at amang Chinese.

Subalit, sa pagsusuri, napansin ng officer na hindi marunong magsalita ng Filipino o anumang lokal na lenggwahe si Zhou.

Sa panayam, inamin niya na isa siyang Chinese citizen.

Nang i-check ang kanyang travel record sa BI database, napag-alaman na nakapasok si Zhou sa Pilipinas noong June 30, 2019.

Inaresto siya at dinala sa BI’s warden facility sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang deportation proceedings. RNT/SA