Chinese New Year activities sa Binondo ipinagbawal ni Isko

Chinese New Year activities sa Binondo ipinagbawal ni Isko

January 25, 2022 @ 12:40 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Nilagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang isang kautusan na magkakansela sa lahat ng klase ng aktibidades na may kaugnayan sa selebrasyon sa darating na Chinese New Year sa lungsod ng Maynila.

Pinirmahan ni Domagoso ang Executive Order No. 11 na nagkakansela sa mga aktibidad tulad ng tradisyonal na parada, lion at dragon dance, fireworks, street parties, stage shows at mga palaro gayundin ang iba pang aktibidad.

Mahigpit naman ipagbabawal ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa may bahagi ng Binondo partikular na sa Chinatown area simula Enero 31 hanggang Pebrero 1.

Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Isko ang mga opisyal ng 20 barangay na nakakasakop sa Binondo para ipatupad angt liquor ban at mga alituntunin ng napapaloob sa EO No.11.

Nilinaw naman ni Domagoso na maaaring bumisita at magtungo ang mga indibidwal na nais bumisita sa Chinatown pero kailangan masiguro na susunod sila sa pinapairal na health protocols.

Sinabi naman ng alkalde na maaari naman maghanda at magdiwang ang bawat isa sa kani-kanilang tahanan pero mas maigi kung kada miyembro ng pamilya lang ang kasama.

 

Nabatid na ang desisyon ng lokal na pamahalaang lungsod na kanselahin ang mga aktibidad ay upang maiwasan na magkaroon ng hawaan sa mga residente at hindi residente ng lungsod partikular ang mga bisita sa pagdiriwang ng Chinese New Year kung saan dalawang taon na itong ipinapatupad.

Nakisuyo naman si Domagoso sa mga kababayang Filipino-Chinese hinggil sa nasabing kautusan.  JAY Reyes