Chiz duda sa paglusot ng kasalukuyang bersyon ng Maharlika bill sa Senado

Chiz duda sa paglusot ng kasalukuyang bersyon ng Maharlika bill sa Senado

February 2, 2023 @ 6:25 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Duda si Senador Francis Escudero na makalulusot sa Senado ang kasalukuyang bersyon ng panukala na bubuo sa Maharlika Investment Fund.

“I doubt it unless the economic managers get their acts together, come up with a common and unified stand,” pagbabahagi ni Escudero sa panayam ng ANC nitong Huwebes, Pebrero 2.

Nitong Miyerkules ay binusisi ng Senate panel ang naturang panukala na magtatatag sa isang sovereign wealth fund.

Nangako naman si Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi niya mamadaliin ang diskusyon para sa MIF, sabay sabing ang kasalukuyang panukala ay nangangailangan pa ng ilang pag-amyenda.

Matatandaan na inendorso ng Kamara ang panukalang batas noong Disyembre ngunit binago pa makaraang makatanggap ng kritisismo mula sa publiko ng pangamba sa korapsyon.

Nauna nang ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagpasa sa panukala, na inihain ng kanyang anak at pinsan.

“What I can guarantee perhaps on my end would be if it will pass whether in April or March or sometime thereafter, it will not be in the shape, size, color or form that it is right now,” ani Escudero.

Sa bersyon ng Senado sa Maharlika Investment Fund, magkakaroon ito ng dalawang state banks —Landbank at Development Bank of the Philippines— na magbibigay ng inisyal na P75 bilyon na pondo.

Ipinanukala rin sa Senate bill ang paglalagay ng 15-man advisory council at third-party auditor na bubusisi sa paggamit ng pondo.

Samantala, kinwestyon naman ni Escudero ang hindi pantay na alokasyon ng pwesto sa panel ng mga banko na magbibigay ng seed capital.

“They want to adapt best corporate practices, so my question is, why not make the representation in the board proportional to the capital contribution of the entities forming this corporation?” aniya. RNT/JGC