Cholera outbreak idineklara sa isang bayan sa Negros

Cholera outbreak idineklara sa isang bayan sa Negros

September 29, 2022 @ 4:22 PM 2 months ago


BACOLOD CITY – Nagdeklara na ng ‘cholera outbreak’ ang lokal na pamahalaan ng Silay City sa Negros Occidental kasunod ng pagkamatay ng isang 88-anyos na lola nitong nakalipas na Linggo sa Barangay Guinhalaran.

Ayon kay Silay Mayor Joedith Gallego, ang pagdeklara ng outbreak sa Guinhalaran ay base na rin sa rekomendasyon ni Dr. Ernell Tumimbang, Provincial Health Officer.

Nitong nakalipas na Setyembre 22, binawian ng buhay si Teresita Lopez Jalandoni sa Provincial Hospital Silay City.

Sinabi pa ng alkalde, dinala sa ospital si Jalandoni sa kakaibang karamdaman subalit ng sumailalim ito sa confirmatory test ay lumabas sa positibo sa cholera.

Sa ngayon, pinadala na sa Manila ang water sample mula sa naturang barangay para sa laboratory tests.

Nagsasagawa na rin ng inspection ang City Health Office (CHO) sa lahat ng pinagkukunan ng mga tubig sa lungsod kabilang na ang mga water refilling stations.

“We concentrated our effort where there are positive cases, that’s why we went there – to make recommendations on what they should do. We recommended declaring an outbreak,” ani pa Tumimbang .

Inirekomenda rin ng Provincial Health Office ang pag-activate ng Local Drinking Water Quality Monitoring Committee, pagsusuri sa mga pinagmumulan ng tubig, at pagpapatupad ng chlorination ng mga pinagkukunan ng tubig sa lugar lalo na yung mga nagpositibo sa kolera, gayundin ang pagpapakulo ng tubig na inumin.

Samantala, hinimok ni Gobernador Eugenio Jose Lacson ang lahat ng local government units gayundin ang publiko na isagawa ang ligtas na pagkuha at pagkonsumo ng inuming tubig bilang pag-iingat laban sa acute gastroenteritis.

Sinabi ni Lacson na ang AGE ay isa sakit na kailangan maiwasan ng mga tao na kailangan lamang ay mag-ingat sa tubig na kanilang ginagamit, panatilihin malinis ang kapaligiran at ang komunidad. Mary Anne Sapico