Chopper deal graft case ni Mike Arroyo ibinasura ng Sandiganbayan

Chopper deal graft case ni Mike Arroyo ibinasura ng Sandiganbayan

October 4, 2022 @ 10:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pormal nang ibinasura na ng Sandiganbayan, bilang pagsunod sa desisyon ng Korte Suprema, ang mga kasong graft laban kay dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo ukol sa pagbili noong 2009 ng P62.6 milyong halaga ng mga secondhand helicopter para sa Philippine National Police (PNP) na ipinasa bilang bagong-bago.

Inilabas ng anti-graft court ang tatlong-pahinang resolusyon sa loob ng anim na buwan matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyon nitong Disyembre 2021 na ibasura ang mga kasong graft laban kay Arroyo.

Parehong ang Office of the Ombudsman at ang anti-graft court ay “lubhang nagkamali sa paghahanap ng probable cause” at nilitis si Arroyo, ayon sa desisyon ng SC.

Kinumpirma ng Sandiganbayan Seventh Division na nakatanggap sila ng kopya ng Entry of Judgment ng mataas na hukuman noong Setyembre 19, 2022.

“Wherefore, in compliance with the resolution dated December 1, 2021 of the Supreme Court, the name of Jose Miguel T. Arroyo is ordered dropped from the information. The charge filed against him is necessarily ordered dismissed,” anang Sandiganbayan.

Nauna nang sinabi ni Lionair president Archibald Po na si Arroyo ang may-ari ng subject helicopter at ang Lionair ay nag-import ng mga ito mula sa Estados Unidos bago ito ibinenta bilang brand new sa PNP sa halagang P62.6 milyon.

Ngunit dati ring nagsumite si Arroyo ng ebidensiya na inalis na niya ang kanyang sarili sa anumang interes sa LTA Inc. na nagpaupa sa dalawang subject chopper mula sa LionAir noong 2003 para magamit sa kampanya sa pagkapangulo ng kanyang asawa, noon ay si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang pormal na pagbasura ng kaso ay nagtulak din sa Sandiganbayan na iutos ang pagpapalaya sa inilagak na piyansa ni Arroyo.

Inalis na ng Sandiganbayan ang hold departure order laban sa dating First Gentleman noong Hunyo 1.

Ang asawa ni Arroyo na si dating Pangulong Gloria ay nakaupo ngayon bilang Senior Deputy Speaker sa House of Representatives. RNT