Chopper ng PNP bumulusok sa Quezon

Chopper ng PNP bumulusok sa Quezon

February 21, 2022 @ 3:20 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang tauhan ng Philippine National Police habang dalawa pa ang nasugatan matapos bumagsak ang kanilang helicopter sa  Real, Quezon nitong Lunes.

Kinumpirma mismo ito ni PNP public information office chief Roderick Alba.

Kinilala ni Alba ang nasawi na si Patrolman Allen Noel Ona, habang nilalapatan ng lunas ang pilotong si PLtCol Dexter Vitug at co-pilot  PLtCol Michael Mellora sa isang ospital sa Infanta, Quezon.

Ang bumagsak H125 Airbus na may registry number na RP-9710 ay iniulat na nawawala ilang oras matapos lumipad ng 6:17 AM mula sa Manila Domestic Airport sa Pasay City patungo sa hilagang Quezon sa isang administrative mission.

Sinabi ng PNP na may mga ulat na maulan sa lugar ng Real.

Kasunod ng insidente, hindi muna pinalilipad ng PNP ang buong fleet ng H125 Airbus Police helicopters habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Noong Marso 2020, bumagsak sa Laguna ang isang Bell 429 GlobalRanger chopper aircraft na lulan noon ni PNP chief Archie Gamboa at ilang iba pang opisyal ng pulisya. Binawian nito ang buhay ni PNP comptroller chief Major General Jovic Ramos. RNT