CHR, NTF-ELCAC nagkaisa vs NPA 

CHR, NTF-ELCAC nagkaisa vs NPA 

July 13, 2021 @ 6:04 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag na rin ng pagkondena ang Commission on Human Rights (CHR) laban sa patuloy na paggamit ng New People’s Army ng Anti-Personnel Mines na lantarang paglabag sa International Humanitarian Laws, pinakahuling insidente ang nangyari sa Jipapad, Eastern Samar na ikinasawi ng isang sundalo at dalawang cafgu.

 

Nakiisa na rin ang ahensya sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa layunin nitong wakasan na ang 52 taon ng panggugulo ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at ang walang habas na paglabag ng mga ito sa mga karapatang pantao.

 

“Lagi naming kinukondena ang paggamit ng improvised explosive devices, gaya ng landmine, dahil isa itong paglabag sa diwa at prinsipyo ng IHL,” ang tinuran ni Mark Siapno, deputy spokesperson ng CHR, nitong Lunes sa regular na “virtual” na balitaan ng NTF-ELCAC.

 

Tiniyak din ni Siapno ang pag-iimbestiga sa insidente ng komisyon upang bigyan hustisya ang mga naging biktima nito, dahil ang kagagawan ng mga teroristang CPP-NPA ay isang pagwalang-bahala sa karapatang pantao.

 

Ikinuwento naman ni Barangay 4 Captain Eddie Nuncio ang kanyang nasaksihan sa pangyayari na naganap noong umaga ng July 7,2021 kung saan ang grupo ng mga sundalo at Cafgu ay dumaan pa sa kanilang bahay habang nagkakape siya.

 

Ngunit makalipas ang ilang sandali nang makalampas na ang tropa ng pamahalaan ay nakarinig sila ng malakas na pagsabog na ikinatakot ng kapitan kaya ito ay agad na rumadyo sa bayan ng tulong.

 

Nasundan ang pagsabog ng mga putok ng baril na tumagal ng halos 20 minuto.

 

Pagtigil, nakita nilang nakabulagta na ang mga sundalo.

 

Samantala,nagpahayag din si Maj. Gen. Pio Diñoso, Commander ng 8th Infantry Division ng Army na gumamit ang mga teroristang CPP-NPA ng land mine upang patayin ang kanyang mga sundalo.

 

“Naroon ang ating mga kawal hindi para makipaglaban. Wala silang dalang mga armas at wala silang kapasidad na lumaban. Ito ay lantarang paglabag sa International Humanitarian Law, bakit nila ginanun,” ang paliwanag pa ni Maj. Gen. Diñoso.

 

Ipinangako naman ng CHR sa pamamagitan ni Siapno na isasama nila ang pangyayaring ito sa mga kasong isasampa nila laban sa mga lider ng mga komunistang terorista. RNT